Muli na namang nakaranas ng matinding pagbaha ang ilang barangay sa Puerto Princesa dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan. Apektado ng pagbaha ang mga Barangay Bancao-Bancao, San Jose, San Manuel, Sicsican, Irawan, Iwahig, at San Pedro, kung saan maraming residente ang napilitang lumikas.
Agad namang tumugon ang sampung ahensya ng pamahalaan upang magbigay ng tulong sa mga apektadong lugar. Kabilang dito ang Puerto Princesa City Police Office, PNP Maritime Group, Marine Battalion Landing Team-9, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Philippine Red Cross, City Engineering, Department of Public Works and Highways, at City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sa gitna ng pagbaha, muling nabuhay ang usapin tungkol sa naantalang drainage project ng lungsod. Ayon sa pahayag ni Attorney Jimbo Maristela, lumalabas sa Annual Audit Observation Memorandum (AOM) na ang proyekto, na sinimulan noong Enero 15, 2021, ay dapat sana’y natapos noong Hulyo 8, 2022. Gayunpaman, pagsapit ng katapusan ng 2023, nasa 34.63% pa lamang ang natatapos sa proyekto. Noong Mayo 31, 2024, bahagya itong tumaas sa 36.12%, na nagdulot ng pangamba sa publiko dahil sa matagal nitong pagkaantala.
Ayon kay City Information Officer Richard Ligad, isa sa pangunahing dahilan ng pagkaantala ng proyekto ay ang kawalan ng pahintulot mula sa mga pribadong may-ari ng lupa na madadaanan ng konstruksyon. Sa kabila ng mga isinagawang public consultation, marami pa rin ang tumangging ipagamit ang kanilang lupa.
Sa Barangay San Jose, pito lamang sa 29 na apektadong may-ari ng lupa ang dumalo sa konsultasyon at pumayag sa proyekto. Sa Barangay San Manuel, 40 lang sa mahigit 120 may-ari ang nagbigay ng kanilang pagsang-ayon. Samantala, sa Barangay San Pedro, patuloy na nahihirapan ang engineering team dahil hindi pa tumutugon ang barangay sa kanilang mga sulat.
Dahil dito, tila dumadaan sa butas ng karayom ang pagsasakatuparan ng proyekto. Marami ang nagtatanong kung bakit naaprubahan at pinondohan ang proyekto kahit hindi pa nakukuha ang pahintulot ng mga may-ari ng lupa.
Kaugnay naman sa isyu ng korapsyon, nilinaw ni Atty. Maristela na walang ebidensyang ninakaw ang pondo ng proyekto, ngunit posible umanong nagamit ito sa ibang proyekto.
“Ang korapsyon kasi ay may iba’t ibang anyo. Ang paggamit ng pera ng gobyerno na hindi natin alam kung saan napunta ay maaari nating tanungin. Hindi kami nag-aakusa, ngunit gusto lang naming ipakita na malaki na ang pondong nagamit, ngunit hindi ito nakikita sa aktwal na kalagayan ng proyekto,” ani Maristela.