Quezon, kulang sa supply ng isda sa pamilihang bayan

Kulang umano ang supply ng mga isda at iba pang yamang-dagat sa pamilihang bayan ng Quezon, ayon sa opisina ng Municipal Economic Services ng nasabing bayan.

Sa kanilang pabatid, sinabi ng opisina na dulot umano ito ng off-season ng operasyon ng mga basnig operators sa kanilang munisipyo na magtatagal hanggang Marso.

Ang kasalukuyang kakulangan umano ng isda at iba pang yamang-dagat ay bunsod rin umano ng nagdaang bagyong Odette at ang kasalukuyang umiiral na mahanging panahon na nararanasan sa iba’t-ibang lugar sa Palawan.

“Kakaunti lamang ang supply ng mga isda na mabibili sa ating pamilihang bayan. Ito ay dulot ng off-season ng operasyong ng ating mga basnig operators na magtatagal hanggang buwan ng Marso. Ang kasalukuyang sitwasyon ay dulot narin ng umiiral na panahon at ng nagdaang bagyong Odette,” ayon sa pabatid ng opisina.

Dahil rito, ayon sa kanila ay kinakailangang mag-angkat ng mga tindera ng isda sa nasabing bayan ng supply nito sa mga kalakip munisipyo ng Sofroñio Española at Narra.

“Ayon sa ating mga fish stallholders ang isdang kanilang ipinagbibili ay nag mula pa sa bayan ng Narra at Espanola,” giit ng opisina.

Dagdag nila, ang sitwasyong ito ay inaasahang makaka-apekto sa galaw ng presyo sa kanilang pamilihang bayan kung kaya’t  pina-alalahan ng kanilang opisina ang mga tindera o fish stallholders sa merkado na sumunod sa batayan ng presyo ng isda ayon sa kanilang Municipal Ordinance 2021-238 na nagtatakda ng tama at akmang presyo ng mga pangunahing produkto sa pamilihan.

“Ang galaw ng presyohan ng karne ng baboy at ng isda ay patuloy na babantayan ng aming opisina. Kung kayo po ay may reklamo o sumbong maaring makipag-ugnayan sa aming tanggapan –  Economic Services Office o Business Permit and Licensing Section,” ayon sa pabatid.

Inaasahan naman ng lokal na pamahalaan ang mariing pagsunod ng mga nagtitinda nito sa kanilang munisipyo.

Exit mobile version