VM Feliciano, hindi kumbinsidong walang kinalaman ang minahan sa malawakang pagbaha sa Brooke’s Point

Photo Credits to Municipal Information Office - LGU Brooke's Point

Hindi umano kontento si Brooke’s Point Vice Mayor Atty. Mary Jean Feliciano sa naging ulat ng Mine and Geosciences Bureau (MGB)-Mimaropa kamakailan na nagsasabing hindi ang pagmimina ang dahilan ng naging pagbaha sa kanilang lugar noong nakaraang buwan.

 

Ayon kay Feliciano, taliwas ang ginawang assessment ng MGB sa aktual na nangyari sa kanilang bayan.

 

“Ang MGB kasi ang nag i-issue ng ng permit ng pagmimina, ang aking reaction doon hindi ako satisfied kasi kitang kita naman namin ang aktuwal lalo na doon sa Barangay Mambalot na nag iba talaga ang kulay at saka ‘yung putik nga na tumabon sa mga sakahan ang kapal at sinasabi ng mga tao na never nilang na experience ‘yun even before,” ani Atty. Feliciano.

 

Dagdag pa nito, pakiramdam umano niya ay masyadong maingat at defensive ang resulta ng presentasyon ng MGB na siya ring ahensya na nagi-issue ng permit sa mga minahan.

 

“Pakiramdam ko masyadong laging maingat masyadong defensive yun yung aking obserbasyon,” dagdag ni Feliciano.

 

Bagaman naniniwala naman daw siya na ang pag-apaw ng watershed at ang tuloy tuloy na pag ulan ang naging sanhi ng pagbaha, sinabi nitong contributory at nagpalubha naman sa pag-apaw ng watershed ang ginawang pamumutol ng punong kahoy ng minahan.

 

Iginiit pa ng opisyal na walang lugar sa Brooke’s Point ang pagmimina dahil ito ay agricultural land kaya’t nangangamba ito sa pagpasok pa ng dalawang mining applications mula Calmia Nickel Inc. at Lebach Mining Corp. sa kanilang bayan.

Exit mobile version