Zaballa, itinulak ang insentibo para sa mga kapitan at kagawad sa Palawan na magtatapos ang termino ngayong taon

ABC President and Ex Officio Member Ferdinand "Inan" Zaballa during his speech in the 44th regular session of the Sangguniang Panlalawigan. Photo credits to PIO Palawan.

Isinusulong ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ang panukalang batas na inakda ni ABC President at Ex Officio Member Ferdinand “Inan” Zaballa ang pagkakaloob ng insentibo sa mga kapitan at kagawad sa Palawan na magtatapos na ang termino ngayong taon.
Ito ay nakapailalim sa bisa ng inaprubahang Proposed Resolution No. 1093-23 na may titulong “Earnestly Requesting Honorable Victorino Dennis M. Socrates, Provincial Governor to Grant Incentives to Last Termer Sangguniang Barangay Officials in the Province of Palawan” na iniakda ni Zaballa.
Layunin umano ng panukalang ito na kilalanin at pahalagahan ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga barangay officials sa pagpapalakas ng komunidad at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran lalo pa noong panahon ng pandemya.
“As we all know, sa term po namin as punong barangay, this is the time that we experienced the most challenging na pamumuno. It was because during our term, nagkaroon ng COVID-19 pandemic. Because of that, ‘yong ating mga punong barangay were forced to the limit ng kanilang pamumuno,” ani Zaballa.
Ayon kay Zaballa, ang mga barangay captain at councilors ay nagsisilbing mga tanglaw at lider ng kanilang mga komunidad. Sa loob ng kanilang termino, kanilang pinangunahan ang iba’t ibang proyekto tulad ng pagpapabuti ng imprastraktura, pagpapaunlad ng kalusugan at edukasyon, at pagpapatupad ng mga programa para sa mga kabataan at mga pamilya. Dahil sa kanilang dedikasyon at serbisyo, mahalaga umano na kilalanin sila at mabigyan ng tamang insentibo.
“Minabuti po ng liga ng mga barangay na bigyang recognition lalo na po ‘yong mga last termer na mga punong barangay and last termer na barangay kagawad na namuno sa probinsiya ng Palawan of the 367 barangays.”
Ito rin ay naglalayong mapangalagaan at mapalakas ang liderato sa mga barangay, na magreresulta sa mas maayos at epektibong pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa kapakanan ng mga residente.
Ayon sa COMELEC, kasado na ang naudlot na barangay at SK elections na gaganapin sa Oktubre 30 ngayong taon kung saan nakatakdang magtapos na ang termino ng ilang mga kapitan at kagawad sa 367 barangays sa loob ng 23 munisipyo sa probinsya.
Inaasahan ni Zaballa na maibabahagi ang panukalang para sa pagsusuri at pagsasabatas nito.
Exit mobile version