Biyuda ng pinaslang na planning officer ng Rizal noong Nobyembre, tatakbo bilang bise-alkalde

Halos isang taon matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilang suspek hanggang ngayon ang asawang si Engineer Gregorio Baluyut, noo’y Municipal Planning and Coordinator, pormal na naghain ng kanyang certificate of candidacy bilang bise-alkalde ng bayan ng Rizal si SB Member Ana May “Aping” Baluyut noong ika-8 ng Oktubre.

Sa panayam ng Palawan Daily kay Baluyut, sinabi nitong hanggang ngayon ay patuloy pa rin silang humihingi ng hustisya sa nangyari sa yumaong asawa matapos paslangin ito sa mismong tahanan nila sa Purok Mahogany, Barangay Punta Baja, gabi ng Nobyembre 20, 2020.

Si Aping ay naninilbihan rin bilang kasalukuyang kagawad ng nasabing bayan sa loob ng labing-isang taon.

Sa mensaheng pinadala nito sa Palawan Daily, iginiit nito na kung suswertehin sa Halalan 2022, parte ng kanyang plataporma de gobyerno ay ang pag-akda ng akmang resolusyon upang mas matugunan ang importanteng pangangailangan ng kanyang mga kababayan.

“Pagtugon sa tunay na pangangailangan ng bayan sa pamamagitan ng pag aakda ng mga resolusyon at pagsasabatas ng mga ordinasa na makatao, pagkalinga at pagpapahalaga sa mga mamamayan ng Rizal ng buong katapatan at husay,” ani Baluyut.

“Ang pangarap na magigising ka bukas na isang masaya, mapayapa at maunlad na bayan na ang Rizal kung saan sabay-sabay tayong aangat sa ating kabuhayan,” dagdag nito.

Sinabi rin ni Baluyut na kanyang dadalhin sa laban sa darating na halalan ang itinuro sakanya ng yumaong asawa, pati na rin ang paghahanap at pagsigaw ng hustisya sa kanyang pinaslang na asawa.

“Dadalhin ko ang prinsipyo at dignidad sa laban na ito upang maisulong ang tapat at dapat na pamumuno. Kasama ko sa laban na ito ang asawa ko, maging ang mga anak namin,” ani Baluyut.

Matatandaang walang awang binaril ng hindi pa rin nakikilalang suspek ang asawa nito habang nasa bakuran nila mag-aalas diyes ng gabi. Nagtamo ang biktima ng apat na tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan, dahilan upang tuluyan itong bawian ng buhay habang lulan ito ng ambulansya patungo sanang Puerto Princesa.

Exit mobile version