BROOKE’S POINT, PALAWAN — Sumailalim sa pagsasanay ang dalawampu’t limang (25) mga katutubo at mga rebel returnees mula sa munisipyo ng Brooke’s Point na pawang mga benepisyaro ng programang “Organic Vegetable Production.” Ito ay magkatuwang na itinataguyod ng Technical Education Systems and Development Authority (TESDA)-Palawan, Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan at Pamahalaang Lokal ng Brooke’s Point sa pakikipagtulungan ng Western Command (WESCOM).
Ibinalita ni Provincial Social Welfare Development Officer Abigail D. Ablaña, na pagkatapos sumailalim sa pagsasanay ang mga benepisyaryo ay pinagkalooban sila ng garden tools o mga kagamitang pangsaka bilang bahagi ng naturang programa. Ang paggawad nito ay idinaos noong ika-6 ng Agosto, taong kasalukuyan sa bayan ng Brooke’s Point na pinangunahan ni TESDA Provincial Director Renato Pantaleon katuwang si Mayor Mary Jean Feliciano at PSWDO Ablaña. Mayroon ding ibinahaging mga buto ng gulay (seeds) bilang panimula ng kanilang pagtatanim.
Ayon pa kay PSWDO Ablaña, aktibo ang mga programang ipinapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan sa Palawan na tumataguyod sa kapakanan ng mga makakaliwang grupo o mga indibidwal na nais magbalik-loob sa pamahalaan gayundin ang mga katutubong Palaweño.
Aniya, ilan rito ay ang pagsasakatuparan ng Local Social Integration Program for Former Rebels na pinangangasiwaan ng kanilang tanggapan. Bukod sa pagsasanay, saklaw rin ng programa ito ang pagbibigay ng ayuda sa mga rebel returnees na kinabibilangan ng subsistence assistance, counseling services, food assistance, shelter assistance, educational assistance at transportation assistance.
Matatandaan na pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang Provincial Ordinance bilang 1540 ng taong 2015 o “Establishing the Implementing Guidelines on the Provision of Assistance to Rebel Returnees.” Sa pamamagitan ng ordinansang ito ay binibigyang suporta ang mga rebel returnees sa lalawigan ng Palawan na magbalik-loob sa lipunan sa pamamagitan ng Local Social Integration Program. (PR)