Isinisulong ng isang ordinansa ang pagbabawal ng mga pagmumura, pagsisigaw at pag-iingay at pagsalita ng mga masasamang salita sa loob ng mga paaralan, gaming at computer shops, kabilang na din ang iba’t-ibang mga establisyemento sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa Anti-Profanity Ordinance of the City of Puerto Princesa na inakda ni Atty. Nesario G. Awat, papatawan ng kaukulang penalty ang nasabing mga kabataan na lumabag sa nasabing ordinansa. Ang mga paaralan ay dapat magkaroon ng kaukulang penalidad base sa bigat ng paglabag sa nasabing ordinansa.
Bibigyan din ng tungkulin at otoridad ang mga guro, principal, school administrators at class officers na mag monitor ng mga estudyante na nagmumura or gumagamit ng “profane language” upang sila ay maalalahanan, at kung magpapatuloy pa ito ay mabigyan ng kaukulang parusa base sa kanilang polisiya sa paaralan.
Kasama sa pwedeng ipataw sa naglabag ay ang pagpapatawag ng atensyon ng estudyante, pagkakaroon ng isang pribadong pakikipagusap at pagbigay ng reminder, at kung patuloy pa ito ay ang pagpapatawag sa kaniyang mga magulang, reprimand o suspension hanggang sa ito ay hindi na maulit. Dagdag pa dito na prerogative na ng mga paaralan ang pagpataw ng expulsion sa patuloy na paglalabag.
Dapat din na magkaroon ng signage ang mga nasabing computer shops na nagsasabi ng, “Cursing is not allowed, Profanity prohibited, bawal mag-mura” para mabigyan ng kaukulang babala ang kanilang mga parokyano. Nakasaad din sa nasabing ordinansa na kinakailangang mag-attach ng pictures ng Anti-Profanity signage sa business permits ng mga computer shops upang sila ay mabigyan ng lisensya.
Layunin ng ordinansang ito na maituwid at mapreserba ang tamang asal ng mga kabataan at mapangalagaan ang kanilang mga integridad.
Discussion about this post