PUERTO PRINCESA CITY — Hindi pa lubusang mapaalis ng pamahalaan ang ilang pamilyang patuloy na naninirahan malapit sa lawa na kontaminado ng mercury sa mga barangay ng Sta. Lourdes at Tagburos.
Resulta nito, hindi pa rin natatapos ang pagbabakod sa lugar na pinondohan ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) katuwang ang city government ng Puerto Princesa.
Ayon sa MGB, mas madaling matatapos ang pagbabakod kung mahihikayat ang mga residente na lisanin ang lugar, bagay na hindi rin maipangako ng mga pamunuan ng dalawang barangay na agad maisasakatuparan.
“We fenced the area to prevent the proliferation of additional or bogus claimants and the return of those who already vacated and received financial assistance (binakod natin ang lugar upang maiwasan ang pagpasok pa ng mga karagdagang bogus claimants at pagbalik noong mga umalis na at nakatanggap na ng tulong pinansiyal),” ani Atty. Arnel Pedrosa, OIC City Administrator/City Legal Officer.
“The city government, together with the DENR-MGB will also intensify its effort to convince those who opted to stay to vacate as their presence in the area will continue expose them to health hazards due to mercury contamination (Ang city government at DENR-MGB ay patuloy na nagsusumikap upang makumbinse ang mga nananatili sa lugar na lisanin na ito sapagkat patuloy na nalalantad sa panganib ang kanilang kalusugan dulot ng kontaminasyon ng mercury,” dagdag pa ng opisyal.
Aniya, humigit-kumulang 20 pamilya na ang umalis sa lugar at napagkalooban ng ayuda ng LGU.
Sa naunang pag-aaral na ginawa ng Department of Health (DOH) at MGB, 86 na mga residente sa dalawang nabanggit na barangay ang nag-positibo sa kontaminasyon ng mercury sa buhok at dugo. Malaking porsiyento din umano ng mga residenteng nabanggit ang nakaranas ng “chronic mercury poisoning” na posibleng nakuha sa nalalanghap na hangin o nakakaing halaman at isda mula sa lugar.
Matatandaang inirekomenda ng DOH na isailalim sa gamutan ang mga residente. Babalik din umano sa lugar ang grupong nagsagawa ng pagsusuri sa mga residente upang mabigyan ng tugon ang epekto nito sa katawan ng tao. (AJA/PDN)
Discussion about this post