Nilinaw ng City Government na hindi pa kailangan ang paglalagay ng mga quarantine checkpoint dito sa Lungsod ng Puerto Princesa para maiwasang makapasok ang African Swine Fever o ASF.
Ito ay kahit nakasaad sa Executive Order number 2019-17 o Strict Implementation of Transportation of Live animals, meat products and meat by-products without Veterinary certification and shipping permit na inilabas ni Mayor Lucilo Bayron matapos manalasa ang ASF sa ilang Lalawigan sa Luzon at syudad sa Metro Manila.
Ayon kay City Administrator Atty Arnel Pedrosa, hindi pa ito kailangan sa kasalukuyan subalit kung kinakailangan na ay kanila na itong gagawin. “ Hindi muna ,hindi pa naman siya rampant dito sa Puerto Princesa eh,” ani ni Pedrosa.
Sinabi din ni Pedrosa na kung maglalagay kaagad ay posibleng magdulot ito ng takot sa mga mamimili at baka wala ng bumili ng karneng baboy.
“Kasi pag mag-e-establish ka ng checkpoint pag meron ka nang probable cause na may mga parating na ano eh, pag wala maka-ano yan sa publiko eh, ma-iisturbo mo ang public ,at the same time magki-create ka ng fear doon sa mga consumers, uy check point ano yan, for what purpose yan, may papasok raw kasi na affected ng African swine fever, baka mamaya wala nang bumili ng karne natin ditto,” giit pa ni Pedrosa.
Pero kung nakaka-alarma na raw ang sitwasyon ay agad maglalagay ng mga checkpoint sa mga points of entry tulad ng airport at seaport.
“Ngayon kung talagang mayroong swarming, ibig sabihin parang ang dami nang dumarating na may suspicion tayo na may ganun affected na puwedE na tayong mag-establish ng checkpoint kasi alarming yung situation pero wala namang reported na ganun, there’s no necessity for it,” dagdag pa niya.
Nilinaw niya rin na hindi total banning ang ipinatutupad ng Syudad tulad ng ibang mga Lugar na nagpatupad ng total banning sa pagpasok ng mga pork products na nagmula sa mga lugar na mayroong AFS.
Matatandaang libu-libong mga baboy ang pinatay ng Department of Agriculture (DA) matapos tamaan ng African Swine Fever.
Discussion about this post