Ilang post ng mga residente ng El Nido sa kanilang mga social media account ang nagsasabing nakarating na sa kanilang bayan ang ash fall buhat sa pumutok na Bulkang Taal.
Matatandaang nag-alburuto, nagbuga ng usok hanggang sa pumutok ang Taal Volcano ng Batangas noong ika-12 ng Enero na nakaapekto sa mga karatig-lugar hanggang 20 kilometro, na nagbunga rin ng paglikas ng libu-libong mga residente.
Sa lalawigan ng Palawan, kung saan sakop ng Rehiyong Mimaropa dating Region IV-B at nasa ibabang bahagi ng Calabarzon o Region IV-A kung saan parte ang Batangas, ilang Palawenyo ang nagpatunay na nakararanas umano ngayon ng ash fall ang lalawigan dahil sa biglaang paglitaw ng mga alikabok.
Pasado alas diyes ng gabi kagabi, ika-13 ng Enero nang i-post ni Bb. Judith Distal, may-ari ng isang coffee shop sa nasabing bayan, ang pangungusap na “The ash is here na.” Ilan sa kanyang mga kakilala at kaibigan sa facebook ang nagtanong pa kay Bb. Distal kung gaano katotoo ang nakarating na roon ang mga abo at tiniyak niya sa kanilang totoo ang lahat ng iyon.
“At 7:30 PM, I checked the table I sat down and it was clean. Now, it has a thin layer of dust. And we can see it in the air,” komento pa niya sa thread ng usapan. Nag-padala pa siya ng picture message kasunod nito.
Ilan naman sa mga nasa usapan ay sumusog sa claim ni Distal.
“Yes! Po, orange na ang kulay ng moon. Kagabi puti pa,” ang komento ni Gelei dela Cruz. “Yes! po, malabo po ang visibility sa bayan parang may fog,” dagdag naman ni Roy Aurello Pagliawan.
Sinuportahan din ito ng negosyanteng si G. Hark Roca at sinabing waring may fog sa El Nido.
“Kanina lang [namin naramdaman] mga 6:00 PM or 7:00 PM,” aniya.
Nang tanungin naman kung nakararanas ba sila ng iritasyon sa paghinga dahil alikabok, ang sagot niya ay “For now, di ko nararanasan ‘yan pero ramdam ko ang alikabok at iba ang amoy sa ilong ko.”
“Ash is here already. Take care everyone,” ang post naman ng Salatansurf El Nido.
Sisikapin naman ng Palawan Daily News (PDN) na kumpirmahin sa mga kinauukulan ang nasabing impormasyon.
Samantala, habang sinusulat ang balitang ito ay patuloy na naglalabas ng usok ang Bulkang Taal.
Discussion about this post