PUERTO PRINCESA CITY — Umabot sa 292 kilos ng karne ng kalabaw ang nakumpiska mula sa isang tora tora ang mga tauhan ng City Veterinary Office sa Brgy. San Jose kaninang umaga.
Ayon kay City Veterinarian Dr. Iindira Santiago, 4:30 kanina ng madaanan ng kaniyang meat inspector na si Michael Nocon na katatapos lamang noon sa kaniyang duty sa slaughterhouse ang isang tricycle sa bahagi ng Casuy Road sa Brgy. San Jose dahil sa kahina-hinalang karga na mga karne.
Tatlong tao ang naabutan sa lugar na tila mayroon umanong hinihintay.
Sa isinagawang inspeksyon natukoy na karne ng kalabaw ang sakay ng tricycle dahil walang matandaang mayroong kinatay na karne ng kalabaw habang nasa duty sa slaughterhouse, napag-alamang “hot meat” ang mga karne dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso ng pagkatay sa hayop.
“Kaninang umaga, yung isang meat inspector ko na nagdu-duty sa slaughterhouse nakita niya na may kargang papaitan, may ulo pa ng kalabaw na nasa tricycle, siyempre duty siya alam niya na walang kalabaw na katay sa slaughterhouse,” pahayag ni Dr. Santiago
Sa ngayon sumasailalim sa imbestigasyon ng PNP ang dalawang indibwal at isa ang pang kasama nito ay naka-alis sa lugar noong dumating ang mga otoridad dahilan kaya hindi pa maibigay ni Dr. Santiago ang mga pangalan ng mga ito. Gusto nilang malaman kung ang mga nakumpiskang karne ay para lamang sa consumption o nakatakdang ibenta.
Posibleng maharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9296 o Meat Inspection Code of the Philippines.
Aminado ang veterinary office na nahihirapan sila pagdating sa monitoring sa ganitong aktibidad dahil ginagawa ang pagkatay sa mga tagong lugar.
Kaya hinihingi nila ngayon ang pakikipag tulungan ng mga residente ng Puerto Princesa.
Discussion about this post