Ipinaliwanag ng Palawan Electric Cooperative ang ipatutupad na sistema kaugnay sa pagbabayad ng bills sa kuryente para sa buwan ng Marso at Abril kung saan nasa ilalim pa noon ng enhanced community quarantine o ECQ ang lalawigan ng Palawan dahil sa COVID-19.
Sa isinagawang presentation ng PALECO ngayong araw, May 9, ipinaliwanag nito na ang electric bills para sa buwan ng Marso ay mula sa actual kilowatts hour reading para sa mga buwan ng Disyembre 2019, Enero at Pebrero ngayong taon na hahatiin sa tatlo alinsunod sa kautusan ng Energy Regulatory Commission.
Ang kalalabasan nito ay siya namang imu-multiply sa March 2020 rate para makuha ang average billing o dapat bayaran ng isang member-consumer ng PALECO para sa buwan ng Marso.
Habang ang average April billing naman ay magmumula sa average actual kilowatts hour reading para sa mga buwan ng Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan.
Sa paliwanag ng PALECO, ang total electric bills sa dalawang buwan na ito kung saan nasa ilalim pa ng ECQ ang Palawan ay hahatiin sa apat na parte at maaaring bayaran ng mga konsumidores sa loob ng apat na buwan o mula Mayo hanggang Agosto.
Pagdating naman sa buwan ng Mayo kung saan mayroon nang actual reading ang kooperatiba, imu-multiply naman ito sa April 2020 rate para makuha ang electric bills na dapat bayaran sa Mayo at dito idadagdag ang monthly amortization na una nang na-compute base sa bagong sistema na inilabas ng PALECO.
Ayon kay Napoleon Cortes Jr., ang Human Resource and Admin Manager ng PALECO, ang bagong sistema na ito na kanilang ipatutupad ay alinsunod sa guidelines na inilabas ng ERC na naglalayong matulungan at mapagaan ang pagbabayad ng konsumo sa kuryente ng mga Palaweño.
“Ito po ay sinunod ng lahat ng electric utilities sa buong Pilipinas dahil ito po ay guidelines na galing mula sa ERC. Sumusunod po tayo sa rules ng ERC kasi kung hindi po tayo susunod, pwede po tayong mabalikan,” ani Cortes sa press conference ng PALECO.
“Ang purpose po nito is para po tulong sa mga consumers natin na hindi po sila mabigatan at para po maging mababa ang bill natin sa pagbabayaran pong kuryente,” dagdag pa nito.
Nilinaw naman ni PALECO – OIC Manager Lolita Carbonell na walang dapat ipangamba ang kanilang konsumidores kung “virtual reading” ang ginawa ng kooperatiba dahil kung tutuosin ay pabor pa nga anya ito dahil posibleng mag negative pa ang actual reading para sa mga buwan ng Marso at Abril.
Ibig sabihin, kapag negative ang lumabas sa actual reading base sa paggamit nila ng “virtual reading” ay mas lalong liliit ang babayaran ng isang member-consumer ng PALECO.
Samantala, binigyang-diin naman ni Jeffrey Tan-Endriga, ang Chairperson ng PALECO Board of Directors na maaari namang bayaran din ang electric bills para sa March at April kung kaya naman ito ng mga member-consumer.
“Pwedeng last month bayaran ng buo just in case na kulang ka talaga. Wala naman nakalagay dito [ERC Guidelines] na kailangan ay monthly mo bayaran. Ang nakalagay dito, within four months, ma-settle mo s’ya, so pwede mo siyang bayaran ng buo sa 4th month kasi ‘yun lang ang ina-allow ng batas,” ani Endriga.
Dagdag pa ni Endriga na hangad lamang ng kooperatiba na matulungan ang kanilang mga miyembro sa pamamagitan ng pagpapagaan ng buwanang bayarin alinsunod sa kautusan ng ERC.
Sa panibagong sistema anya na kanilang ipatutupad ay mas malinaw na at madaling maiintindihan ng mga Palaweño.
“Yung previous scheme na nagbigay ng conclusion sa ating mamamayan ay wala na po ‘yun at meron na po tayong bago at ito na po ang masusunod ngayon,” giit ni Endriga.
Discussion about this post