Nakasentro sa mga protected areas ang pagdiriwang ng “Buwan ng Karagatan” ngayong 2020.
Ito ay sa kadahilanang ngayong Mayo kung saan sinisilebra ang pangangalaga sa karagatan, ang tema ng ng pagdiriwang ay “Para sa tao: Protected Areas for a protected future.”
Sa napakahalagang isang buwang aktibidad, nananawagan ang pamahalaan na magsama-sama sa protekta sa karagatan “na pinanggagalingan natin ng pagkain.”
Ayon sa impormasyong ibinahagi ng PIA-MIMAROPA, may mga paraan para mapangalagaan ang mga karagatan gaya ng pag-iwas sa paggamit/pagbili ng mga single-use plastic o styrofoam, pagtapon ng maayos sa mga basura sa basurahan at hindi sa karagatan, at pag-iwas sa pagkakalat sa mga dalampasigan.
Gayundin, maisasagawa rin umano ito sa pagtitipid sa paggamit ng kuryente. Ito ay sa kadahilanang sa labis-labis umanong paggamit ng enerhiya, dahil kadalasang fossil fuels ang source ng energy sa ngayon, ay nakalilikha ito ng sobrang init sa atmospera na nagreresulta ng “warmer waters” na nakaaapekto naman sa mga isda at korales, at nagiging sanhi ng pagtaas ng sea level, atbp.
Isa rin sa mga dapat isabuhay ng mga mamamayan ay ang “responsibleng pangingisda” na maisasagawa sa pamamagitan ng pagsuplong sa mga gumagawa ng mga iligal na pangingisda tulad ng mga gumagamit ng dinamita, cyanide, superlight atbp.
Nanawagan ang pamahalaan na irespeto ang mga marine habitats, marine protected areas at natural marine parks sa bansa.
Samantala, sa Lalawigan ng Palawan, ang pinakamalaki at pinakatanyag na protected area sa karagatan ay ang Tubbataha Reefs Natural Park (TRNP) sa Bayan ng Cagayancillo na ang pangangasiwa at administrasyon ay nasa ilalim ng Tubbataha Protected Area Management Board (TPAMB). Hindi lamang ito tanyag bilang dive spot dahil sa angkin nitong ganda, kundi sa yaman nitong taglay, at source ng fish at iba pang marine larvae ng lalawigan at bahagi ng Sulu Sea.
Discussion about this post