Boluntaryong sumuko sa Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS) kahapon ng gabi ang lalaking suspek sa pananaga ng kanyang kabarangay.
Kinilala ang suspek na si Hermini Aragones Montemor, 35 taong gulang, may asawa, fish vendor habang ang biktima naman ay si Venel Navarra Romuladez (yumao), 30 taong gulang, single, walang trabaho at pawang mga residente ng Sitio Venturanza, Brgy. Saraza, Brooke’s Point, Palawan.
Sa spot report mula sa Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na dakong 8:00 pm kahapon, habang suot pa ng suspek ang duguan niyang damit ay boluntaryo siyang sumuko sa Brooke’s Point MPS dahil sa ginawa umano niyang krimen dala ang ginamit na itak na may habang humigi’t kumulang 63 sentimetro kasama ang hawakan.
Agad umano ay nag-dispatch ng personnel ang Brooke’s Point MPS upang magsagawa ng kaukulang imbestigasyon at tinungo ang Leoncio General Hospital kung saan dinala ng pamilya ang biktima. Napag-alaman namang dineklarang wala ng buhay ni Dr. Narciso Leoncio ang nasabing biktima bandang 6:30 pm kagabi.
Bago ang insidente, dakong 5:40 pm nang hinamon umano ng biktima ang suspek sa isang suntukan at kanya pang kinatiyawan na naging sanhi umano upang magalit ang huli at kinuha ang kanyang itak at tinaga ang una sa kamay. Nagawa pa umanong makatakbo ng biktima patungo sa kanilang tahanan habang humihingi ng tulong ngunit hinabol siya ng suspek, na dala-dala pa ang itak, at muli siyang pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Discussion about this post