Inaasahang maipadadala na sa Ospital ng Palawan (ONP) ang swab sample ng 39 locally stranded individuals (LSIs) ng Bayan ng Busuanga para malaman kung positibo ba sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mga ito, ayon sa tagapagsalita ng lokal na pamahalaan na si Jonathan Dabuit.
“Ngayong araw na ito ay katatapos lang po na na i-swab ang 39 LSIs….Ipadadala [ang mga ito] ngayon o bukas ng early morning, sa ONP. Mga after three days siguro matatanggap na ‘yong result….Kasi no’ng last time, [June] 23 ipinadala ‘yong sample, specimen, mga 26 dumating [ang result],” ani Dabuit.
Ang mga nasabing indibidwal ay kasama ng tatlong naunang nagpositibo sa COVID-19 sa Munisipyo na kasalukuyang nagpapagaling sa quarantine facility ng Busuanga.
“We are praying na negative lahat at hopefully, ‘yong tatlo nag-positive ay lumakas ang kanilang antibodies dahil wala pang cure para riyan (COVID-19)….,” dagdag ni Dabuit.
Tiniyak din ng lokal na pamahalaan ng Busuanga na ipaaalam nito sa publiko ang anumang resulta ng gagawing pagsusuri.
Sa kasalukuyan ay mananatili sa Barangay Quarantine Facilities ang 39 na LSIs para ma-obserbahan ang kanilang kondisyon at matutukan ang kalusugan. (With reports of Chris Barrientos / PDN)
Discussion about this post