Dalawang tama ng di pa tiyak na klase ng bala ang tumama sa sinakyang pick-up ng Bise Mayor ng Bayan ng Quezon dakong 8:30 pm kahapon.
Ayon kay Quezon Municipal Police Station (MPS) Chief of Police, PMaj. Bronson Caramto, naganap ang insidente nang inihatid ni Vice Mayor Edwin Caabay ang mga tauhan ng Pamahalaang Panlalawigan sa Abo-abo, Sofronio Española matapos ang isang aktibidad sa kanilang munisipyo na kung saan, ang sasakyan ng Bise Alkalde ang nagsilbing lead car ng convoy ng dalawang sasakyan.
“And then doon sa area ng Ipilan [Narra], parang may nambato sa kanila. So, hindi nila pinansin noong una pero pagbalik nila, parang the same area, may lumagapak na naman sa sasakyan nila. So, hinintuan nila, nakita nila na parang…tinamaan ng bala o golen [ang kanilang sasakyan]; hindi naman bumaon actually pero alarming kasi bakit sila pinuntirya roon samantalang may ibang sasakyan naman na dumaan,” ani PMaj. Caramto.
Maliban sa Bise Alkalde at kanyang drayber, sakay din ng nasabing pick-up ang isang pulis ng Quezon MPS.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dalawa ang tama ng bala ng sinakyan ni Vice Mayor Caabay. Ang isa ay sa sa ikalawang pinto ng kaliwang bahagi ng sasakyan habang ang isa ay sa kaliwang bahagi ng gulong.
“Nakita namin na iisang posisyon lang ang firer,” ani PMaj. Caramto.
“Nag-area inspection kami kanina doon sa area. Ang analysis ko sa tama, nag-vented lang talaga, hindi naman butas. Ang nakita ko roon, bilog na object [ang ginamit], either caliber na malayo ang position ng firer o kaya ay basta bilog ang ginamit nila, either from a low caliber or handgun o golen gun o sling shot,” paliwanag pa ng hepe ng Quezon MPS.
Sa kabila nito, itinuturing naman umanong isolated case lamang ang insidente bagamat nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa pamamaril.
“Nagtanong kami sa mga kabahayan na malapit doon, wala naman silang narinig na any explosion o kaya’y nagpagputok ng baril na malakas,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa COP ng Quezon MPS, tinitingnan na rin umano nila ngayon ang anggulong may kaugnayan ito sa natanggap na banta ng Bise Mayor bagamat hindi pa umano nila na-establish kung iyon ay dahil sa pulitika.
“Actually si Vice, since then na nakakausap ko siya, mayroon siyang [nasabi] na may threat siya kaya nili-link namin o kaya’y nagka-conduct kami ng further investigation to come up with the allegation na baka ito ay related sa previous threat sa kanya,” ani Caramto.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang nagpapatuloy naman ang isinasagawang follow-up investigation ng Quezon MPS, katuwang ang Narra MPS at Espanola MPS.
Discussion about this post