Hinihikayat ng City DepEd ang mga magulang na suportahan ang pag-aaral ng mga anak sa ilalim ng bagong sistema ng pagtuturo dahil sa pandemya.
“I encourage parents to have their children enrolled in school and kahit po papaano pagsumikapan po nating maitawid ang edukasyon ng mga bata,” saad ni City Schools Division Superintendent Servillano Arzaga sa panayam ng Palawan Daily News.
Aniya walang dapat alalahanin ang mga magulang partikular na sa mga gagastusin ng mga anak sa pag-aaral.
“Wala po kayong gagastusin, wala pong babayaran sa pag-aaral ng mga bata. Wala po kayong babayaran sa mga modules or sa online studies,” dagdag pa ni Arzaga.
Dagdag pa ng City DepEd, nakikipag-tulungan din sila sa mga opisyales ng barangay para umalalay sa mga guro at volunteers na mamamahagi ng mga printed modules sa mga kabahayan ng bawat estudyante na syang gagamitin para sa kanilang pag-aaral kung kaya’t hindi na kailangan pang lumabas ang mga ito.
Samantala, ikinagulat naman ng City DepEd ang pag-anunsiyo ng bagong itinakdang petsa ng pagbubukas ng klase sa Oktubre 5 mula sa dating iskedyul na Agosto 24. Handang handa na umano sila para sana sa pagbubukas sa Agosto 24. Gayunpaman malaking kaluwagan umano ito para sa mga guro para mas mapunan ang iba pang mga pangangailan.
“Nagulat kami kasi naka-full swing na kami kumbaga [but] it is a welcome development for us.” dagdag pa ni Arzaga.
Discussion about this post