Nagtamo ng sugat sa mukha ang isang lalaki nang bumangga sa puno ang sinasakyang motorsiklo habang binabaybay ang national highway na bahagi ng Brgy. Sicsican, Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa post ng anchorman ng Radyo Pilipinas at kasalukuyang presidente ng local media ng Lalawigan ng Palawan na “Alyansa ng Palawenyong Mamamahayag, Inc. (APAMAI)” sa kanyang social media account, nakasaad na naganap ang aksidente sa daan dakong 2 pm ngayong araw sa tapat ng bagong gasolinahan.
Aniya, bumangga sa puno ang biktima na sakay ng isang Honda motorcycle na kinilalang si Jeffrey Diaz, 38 anyos, at pansamantalang naninirahan sa Brgy. Masikap.
Galing umano ang biktima at ang kasamahang si Renato Fernandez sa Brgy. Inagawan para sa kanilang pagbebenta ng mga DVD nang napansin na lamang umano ng huli na mabilis ang takbo ng kanyang kasama at biglang sumalpok sa isang puno.
Pawang mula sa Caloocan City ang dalawang indibidwal na parehong pansamantalang naninirahan sa Brgy. Masikap sa Lungsod ng Puerto Princesa at nagrerenta lamang ng ginagamit nilang motor mula sa isang car rental sa Brgy. San Miguel.
Ayon pa kay Lacasa, mabuti na lamang at nakasuot ng helmet ang nasabing biktima at naprotektahan siya sa mas higit pang pinsala. Sa katunayan umano, sa tindi ng impact ay natanggal ang ilang ngipin ng nabanggit na indibidwal, nagkaroon ng sugat sa kanyang mukha, naging matindi rin ang sira ng motor, at natanggal pa ang dalawang side mirror. Nilinaw naman ng kasamahan ng biktima na hindi siya lasing at tanging aksidente lamang ang naganap.
Sa kabutihang-palad ay agad ding naihatid sa pinakamalapit na pagamutan ang biktimang si Dias ng mga kawani ng Kilos Agad Action Center (KAAC).
Discussion about this post