Pormal nang inilunsad ng Department of Health-Center for Health Development (DOH-CHD) MIMAROPA, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa, ang “Measles, Rubella, Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity” (MR-OPV SIA) sa Lungsod ng Puerto Princesa kahapon, ika-27 ng Oktubre, 2020.
Pinangunahan ni DOH-CHD MIMAROPA Regional Director Mario Baquilod ang kalahating araw na programa na may temang “Chikiting Ligtas sa Dagdag Bakuna Kontra Rubella, Polio, at Tigdas” na isinagawa sa Liwasang Mendoza at dinaluhan ng iba pang mga opisyal ng kagawaran at ng siyudad.
Ang malawakang pagbabakuna kontra rubella, tigdas, at polio na ipatutupad sa dalawang bahagi ay may layong mapigilan ang measles outbreak sa susunod na mga buwan at matigil ang poliovirus transmission sa bansa.
Kasama ang rehiyon ng MIMAROPA sa first phase ng kampanya simula ika-26 ng Oktubre hanggang ika-25 ng Nobyembre, 2020, kasabay ang Mindanao Regions, Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley Region, at Bicol Region. Ang second phase naman ay isasagawa sa natitira pang mga rehiyon sa Pebrero 2021.
Target ng DOH CHD MIMAROPA na mapabakunahan ang 95 porsiyentong mga bata at sanggol sa buong rehiyon. Sa kanilang talaan, nais maabot ng pamahalaan na mapabakunahan ang nasa 316,211 na mga bata na nag-e-edad siyam hanggang 59 buwang gulang laban sa measles at rubella, at 369,642 bata naman na nasa 0-59 buwan laban sa polio.
Sa hiwalay namang panayam kay Kgd. Roy Ventura, chairman ng Committee on Health ng Sangguniang Panlungsod, ipinaabot niyang dalawa ang suspected cases ng polio sa Lungsod ng Puerto Princesa at 28 naman ang suspected cases sa measles.
Bunsod nito, binigyang-diin niya na tungkulin ng bawat magulang na mapabakunahan ang kanilang mga anak kontra measles at polio para sa kanilang kalusugan at iginiit na mapalad ang mga mamamayan na libre itong ibinibigay ng City Government at ng DOH Mimaropa.
“Hinihikayat ko po ang ating mga kababayan na makiisa sa programa ng City Health [Office] para sa isang malusog na [mga mamamayan ng] Puerto Princesa [City],” ani Ventura.
Sa pamamagitan din ng text message, ipinaalaala ni Board Member Eduardo Modesto Rodriguez, chairman ng Committee on Health sa Sangguniang Panlalawigan, sa mga ina ang kahalagahan ng pagpapabakuna sa kanilang mga supling.
“Nailunsad [na] ang malawakang pagbabakuna sa pangunguna ng DOH. [A]ng ating mga nanay, inaanyayahan [natin] na dalhin ang kanilang mga sanggol sa mga health centers upang mapabakunan… Protektahan po natin ang inyong mga anak sa banta ng tigdas, polio and rubella! Pabakunahan sila ngayong Oct. 26-Nov. 25 sa health centers at itinalagang lugar sa inyong bayan,” ani BM Rodriguez.
Samantala, tiniyak naman ng DOH na magsusuot ng personal protective equipment (PPE) ang lahat ng mga health worker na magsasagawa ng pagbabakuna sa mga bata at mga sanggol upang maalis ang agam-agam ng mga magulang sa posibleng COVID-19 transmission. Kalakip naman nito ay hinihikayat ang mga magulang at ang mga tagapangalaga na magsuot ng face mask at face shield sa bawat pagtungo nila sa mga health center para sa immunization.
Discussion about this post