Inamin ni Jojo Gastanes, tagapagsalita ni suspended Narra Mayor Gerandy Danao na may tumawag sa alkalde na nagpanggap na si DILG Undersecretary Jonathan Malaya at binanggit na tutulungan sila kapalit ang pagbibigay ng pera na nagkakahalaga ng Php. 72,000.00.
“ sinasabi niya siya raw ang na-assign sa roon daw galing sa Office of the President… base sa kaniyang konbersasyon daw sa ibang mga opisyales ng Palawan ay talagang nire-request na ipa-dismiss daw si Mayor Danao, Pero nasa laptop at ‘di ipadala sa email kay baka daw ma-intercept something like that, ipapadala niya daw yung kaniyang laptop at magpadala muna si Mayor Danao ng 72,000 [pesos],” ani Gastanes.
Ayon pa kay Gastanes sa simula pa lamang ay duda na umano si Mayor Danao dahil hindi ito naniniwalang gagawin ng kasalukuyang administrasyon ang pangingikil, kaya hiniling nito na ipakausap na lamang sa kanyang abogado.
“Pero alam naman ni Mayor Danao na kahit may pera siya talagang di naman siya magpapadala dahil una, naniniwala siya na hindi naman ganoon ang Duterte administration, ang mga ASEC (Assistant Secretary) at USEC (Undersecretary) hindi naman nangongotong ‘yan… so nag-usap sila ni Atty. Gastanes pero nakikita ni Atty. Gastanes mukhang hindi si Usec. Malaya,” pahayag ni Gastanes.
Nakipag-ugnayan din umano ang kanilang kampo kay Usec. Malaya at nilinaw nito na hindi sya tumatawag kay Mayor Danao.
“Monday ng umaga sige ang tawag niya (name nung caller), ang hindi niya alam na nakuha ko ang number ni Usec. Jonathan Malaya mismo, so na text ko si Usec. at nagreply naman ito sa akin na hindi ako tumatawag kay mayor Danao hindi po totoo ‘yan na scam yan,” saad pa ni Gastanes.
Agad naman silang nakipag-ugnayan sa mga otoridad at imbes na 72,000 pesos ang ipadala ay 720 pesos lamang upang mahuli ang tatlong suspek kasama ang nag-claim ng pera na si Natilyn Decipulo mula sa Dagupan City na kasalukuyang hawak ng CIDG Dagupan.
Discussion about this post