Maunawaan dapat muna umano ng mga kritiko ang sitwasyon ng Lalawigan ng Palawan bago hindi sumang-ayon sa pagtatatag ng tatlong probinsya, ito ang naging pahayag ni Palawan 2nd District Board Member Ryan D. Maminta.
“…sa pagtatatag ng 3 probinsya [sa Lalawigan ng Palawan] na kung saan ang focus natin ay hindi sa mga personalidad bagkus doon sa inspirasyon natin nang pagbabago…na kung saan sa mga susunod na panahon ay mas magkakaroon ng mas maigting na serbisyo mula sa Pamahalaang Panlalawigan…kasi nga syempre liliit yung sakop [ng mga naglilingkod sa bayan] at yung pondo ay halos ganoon pa rin naman,” aniya.
Binanggit din nito na ang mga tutol sa 3in1 Palawan ay ang mga wala pang karanasan patungkol sa pamamalakad sa pamahalaan.
“Yung mga kritiko [na tutol sa 3 in 1 Palawan ay] hindi rin naman nagkaroon ng karanasan sa paggogoberno na kung saan hindi naman nila alam yung plebisitos, yung proseso at yung ginagawa para sa pagbubudget ng mga Lokal na Pamahalaan. Salita ng salita mahirap na,” pahayag ni Maminta.
Dagdag pa ni Maminta na mas malaki ang ilalaang pondo o matatanggap ng mga munisipyo kapag naging tatlong Probinsya na ang Palawan kumpara sa kasalukuyan na isang probinsya lamang ito.
“Ang Palawan del Sur, sa projections, medyo lalapit doon sa 3.6 billion [na matatanggap na pondo habang] yung Palawan del Norte at Palawan Oriental [ay] hindi rin naman bababa ng tig-iisang bilyon [Piso na pondo]…[at] mas makukuha natin yung karampatang pondo na dapat ibinibigay ng Pamahalaang Nasyonal doon sa mga probinsya. Kasi merong tinatawag na equal sharing at doon sa equal sharing, malaki o maliit [man] na probinsya, yan talaga yung karampatang parte mo doon sa National Government funds na kabahagi nung hatiaan ng Internal Revenue Allotment,” muling pahayag ni Maminta.
Samantala, hindi rin naniniwala ang lokal na mambabatas na ilang politiko lamang ang makikinabang sa pagtatag ng tatlong probinsya dahil taumbayan pa rin, aniya, ang pipili ng kanilang magiging mga lider.
“Hindi ako sumasangayon na ang makikinabang lamang [ay] yung mga pulitiko… Ang taumbayan pa rin ang mayroong pinal na salita…kung sino ang ihahalal nilang mga lider pagdating ng panahon [ng botohan],” dagdag na pahayag ni Maminta.
Discussion about this post