Hinihiling ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan sa mga Local Government Units na isumite ang kani-kanilang Ecological Waste Management Plan.
Ito ay para malaman kung naipatutupad nang maayos ng mga LGUs ang solid waste management plan sa kanilang mga nasasakupan at para makapagbigay ng kanilang rekomendasyon ang Sangguniang Panlalawigan kung sakaling mayroong dapat na baguhin o ayusin sa pagpapatupad nito.
Ayon kay Board Member Maria Angela Sabando, may mga napapansin kasi siyang mga lokal na pamahalaan na tila hindi sinusunod ang kanilang solid waste management plan lalo na ang paghihiwalay ng basura tulad ng face mask.
“Mayroon po akong napansin na ibang LGUs na hindi po talaga sinusunod yung solid waste management plan nila especially po yung disposal ng face mask kung saan-saan nakikita yung mga ang face mask halo-halo pa rin ang basura.” giit ni Board Member Sabando.
Dahil dito, inaprubahan ng Provincial Board sa kanilang ika-79 na regular na sesyong noong February 16, 2020 ang Resolution No. 058-21 at may titulong “Requesting all municipal LGUs in Palawan to review their respective ecological waste management plans and submit to the Sangguniang Panlalawigan a voluntary review report for monitoring purpose.”
Umaasa naman ang Sangguniang Panlalawigan na tatalima sa kanilang kahilingan ang mga lokal na pamahalaan.
Discussion about this post