Sinagot ng alkalde ng Brooke’s Point, Palawan ang patutsada ng mga kontra sa paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya kaugnay ng malaking utang ng Pamahalaang Panlalawigan. Aniya, hindi masama ang pagkakaroon ng utang kung para naman sa ikagaganda ng bayan at makakatulong sa mga mamamamayan.
“Sabi ko yung pangungutang po ay hindi masama. At maganda po kung ang pamahalaan ang umuutang kasi lalo na kung ito ay ginagawa namang proyekto na napapakinabangan ng mga tao,” ayon kay Mayor Mary Jean Delos Angeles Feliciano, Brooke’s Point, Palawan.
Inihalimbawa ni Mayor Feliciano ang bakuna kontra sa COVID-19 na inutang umano ng gobyerno subalit ibibigay ng walang bayad para sa mga mamamayan.
“Kahit itong vaccine, utang ng gobyerno yan pero ibibigay ng libre at hindi naman tayo sinisingil kaya sabi ko po hindi masama mangutang ang pamahalaan, masama po kung ito ay kukurakutin, wawaldasin pero kung ito ay gagawing proyekto na pakikinabangan ng tao dapat po natin itong pasalamatan kasi tayo po ang makikinabang,”
Ayon naman sa kampo ng One Palawan Movement, ang nakakatakot umano ay mas lumaki pa ang utang ng Palawan kung maisakatuparan na ang paghahati ng Palawan lalo pa kapag magtatayo na ng tatlong kapitolyo.
“Yung kanilang salita na hindi naman masama ang mangutang, ang masaklap diyan eh kung madadagdagan pa yung dating 5.86 billion na panibagong utang sa pagtatayo ng kapitolyo. Nababalitaan natin ay another 1.9 billion [pesos] tag 6 million [pesos] kada kapitolyo, yan ay masaklap na sasaluhin ng mga taga-Palawan yung kautangan na hindi nila ginusto na ginusto lang ng mga politiko.” Ayon kay Cynthia Sumagaysay- Del Rosario ng One Palawan Movement.
“Ang problema doon, ang hindi nila pinag-uusapan ay yung mga dati pang utang na lumalaki na ng lumalaki at hindi napapababa mula pa 2013. Palawan ang may pinakamalaking utang sa buong Pilipinas …hindi nagbabago lumalaki ng lumalaki kada taon doon yun sa COA annual financial report.”
Base sa 2019 Annual Financial Report for Local Government ng Commission on Audit, ang Palawan ay pangalawa sa Negros Occidental na mayroong malaking utang na mga probinsya sa bansa na umaabot sa P5.86 billion.
Discussion about this post