Nakatakdang ipatawag ng Puerto Princesa City Council ang pamunuan ng mga pagamutan at PhilHealth sa susunod na Question and Answer Hour sa kanilang Regular Session.
Ito ay kaugnay sa diumano’y “kupit” ng Ospital ng Palawan (ONP) matapos na nakalagay sa Patient’s Statement of Account na aabot sa ₱786,384.00 ang charge ng ONP sa PHILHEALTH.
Sa Privilege Speech ni Konsehal Herbert Dilig sa ginanap na Regular Session kahapon, ika-12 ng Hulyo, sinabi nito na ₱42,833.36 lamang ang naging ospital bill ng pamilya ng pasyente sa 38 oras na pagkaka-confine nito sa pagamutan ngunit dahil eligible ang mister nito ay sinagot na ng PHILHEALTH ang bayarin.
“Dahil po sa PHILHEALTH, walang binayaran ni singkong duling ang pamilya ng namatayan. Pero teka, ano ‘to? Base sa Patient’s Statement of Account ₱7,866,384.00 daw po ang charge ng Ospital ng Palawan sa PHILHEALTH! ₱550,468.80 as Hospital Charges!₱235,915.20 as Professional Charges! saan galing ito?!? Aba’y ala naman daw halos ginawa sa pasyente ah!” ayon sa Konsehal.
“₱550,468.80!!! Mahigit kalahating milyon para sa wala pang dalawang araw na pagkaka-confine sa ospital? [Walang] Alang binesa ang St. Luke’s Hospital at Makati Medical Hospital ah! Kahit yata sa Asian Hospital and Medical Center, isa rin sa pinakasikat at pinakamahal na ospital sa buong Pilipinas, ‘di aabot ng ganitong halaga ang bill mo kung wala namang operasyon! ₱235,915.20 as Professional Charges?Wow ha! Inoperahan ba ang pasyente?” dagdag pa nito.
Base umano sa pagiimbestiga ni Dilig, mayroong mga rates o partikular na amounts ang pwedeng i-claim sa RTPHILHEALTH ang mga ospital depende sa kaso o naging karamdaman ng pasyente, at dahil kritikal sa COVID-19 ang pasyente kung kaya umabot sa nasabing halaga ang ospital claims.
“We are just following the PHILHEALTH protocols po.” ayon naman sa taga-pagsalita ng ONP na si Dr. Audi Czar Cipriano.
“Sila na lang po ang magpapaliwanag kung sino po ang ano.. [ipapadalang representative ng ONP sa City Council] lahat po ay based sa PHILHEALTH po, [sa] guidelines.”
Ipinaubaya na lang sa susunod na Session ng City Council ng tagapag-salita ang kanilang paliwanag hinggil sa mga alegasyong ipinupukol laban sa Ospital ng Palawan.
Discussion about this post