Naglabas ng statement ang Coast Guard District Palawan (CGDPal) sa pamamagitan ng kanilang official Facebook page hinggil sa nangyaring aksidente sa Brgy. Inagawan Sub noong ika-30 ng Agosto.
Ayon sa CGDP, labis silang nalulungkot para sa panig ni CG PO1 Victor O. Baclagon, ang itinuturong may kasalanan sa nangyaring banggaan ng motorsiklo at sasakyan nito na ikinasawi ng isang buong pamilya.
“Nais po ng pamunuan ng Coast Guard District Palawan na ipabatid sa publiko na ang pangyayari po ay hindi opisyal na lakad kundi pribadong lakad pampamilya (opo kasama niya pong maaksidente at nakaligtas sa kamatayan ang kaniyang buong pamilya) na sa pangyayari pong ito ay ‘walang anumang pagtatakip at pagiimpluensiya sa kasalukuyang kaso” ayon sa pahayag ng CGDPal.
Dagdag pa ng mga ito na kanila nang ipapaubaya sa pulisya ang pagresolba sa kaso.
Anila, hindi isang mataas na opisyales ng Philippine Coast Guard (PCG) si Baclagon.
“Isa po siyang pangkaraniwang tanod baybayin na nabigyan ng isang sensitibo at mahalagang posisyon dahil po sa ipinamalas niyang kakayahan at pamumuno sa kanyang unit. Isa po siyang modelong kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) na kasamaang palad ay nasangkot sa aksidenteng ito kasama ng kaniyang pamilya,” dagdag pa ng CGDPal.
Hiling din ng CGDPal sa publiko na hayaan na lamang ang mga awtoridad ang siyang magbigay ng hatol hinggil sa nangyaring vehicular accident. Anila, ang magkabilang partido ay may kaniya-kaniyang interes kung saan ang pamilya ng mga nasawi ay humihiling ng hustisya at dansyos samantalang ang partido ni Baclagon ay gusto lamang na mailabatid na ang nangyari ay isang aksidente na hindi kagustuhan ninuman.
Nais umano ni CG Baclagon ang kapanatagan ng kanyang pamilya na labis ding naapektuhan ng aksidente matapos maswerteng maisalba sa bingit ng kamatayan.
“Panawagan po namin sa ating publiko, na iwasan po natin ang mga pahayag at walang basehan na komento na labis lang pong nakakaapekto sa damdamin ng mga kaanak ng nasawi at labis din pong nakasisira sa reputasyon ng isang tao at ng kaniyang pamilya sa kabila na ang nasabing kaso ay wala pang resulta.”
“Ito po ay talagang hindi patas at nakakademoralisa sa pagkatao ng nasasangkot. Magtiwala po tayo sa ating hustisya at sa kakayahan ng ating mga tagapagpatupad ng batas, kung hindi po tayo magtitiwala ay sino pa,” pagtatapos ng pahayag ng CGDPal.
Maaalalang dahil sa naganap na banggaan ay nasawi ang mag-asawang Jeprey Mones at Liezel Canja at dalawa pa nitong mga anak.
Discussion about this post