Ilang panahon na lamang at ganap nang mapapasimulan ang oil drilling operations ng Nido Petroleum Philippines matapos na aprubahan kamakalawa ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa ganitong punto tiyak na malaking kaalwan sa bansang Pilipinas dahil kabi- kabila ang mga istratehiya ng pamahalaang nasyunal para lamang may mapagkunan ng tuloy tuloy na suplay ng langis ang Pilipinas, kasabay ng pagtaas ng presyo nito sa world market.
Sa naging pahayag ng Pangulong Marcos, Jr., inaprubahan ng Department of Energy (DOE) ang site survey ng Nido Petroleum Philippines Pty. Ltd. para sa kanilang mga lokasyon ng drilling sa paligid ng Caldao Oil Field sa Palawan.
Ang kompanya ay isang technical operator ng Service Contract 6B, na nagpapahintulot na magsagawa ng mga survey para sa mga operasyon sa drilling sa huling quarter ng taong 2022.
Sinabi pa ng Pangulong Marcos na ang impormasyon mula sa local oil exploration firm na Philodrill ay nagpakita na ang Nido ay may 9.09 porsiyentong kalahok na interes sa kontrata ng serbisyo noong Disyembre 2021.
Sinabi ni Marcos, “The activities will pave the way for the drilling of 2 wells – one exploration and one appraisal by the first half of next year.”
Sinabi rin ng Pangulo na ang Cadlao oil field ay maaaring humantong sa “early oil production towards the second half of 2023.”
Nabanggit pa ng Pangulo na ang naturang lugar ay huling gumawa ng langis noong 1990s at may pondong langis na higit sa 11 milyong barriles.
Nabatid na tinatayang ang mga narekober na volume mula sa lugar ay maaaring mula 5 hanggang 6 milyong bariles ng langis.
“While it is a first step, it signals the Government’s intent to maximize indigenous resources and has attracted strong interest from foreign investors in the Philippine upstream oil and gas sector,” ani Marcos.
Batay sa isang press briefing, sinabi ng Malacañang na ang hakbang ay nagpakita ng pangako ng Pangulo na maghanap ng mga katutubong mapagkukunan ng langis.
Matatandaang isa sa mga tinuran ng Pangulong Marcos sa kanyang ipinangako sa sambayanang Pilipino na lilihis sa power resource importation sa ilalim ng kanyang termino.
Pinapakita [nito] ang commitment ng Pangulo na maghanap ng locally sourced oil products or oil exploration projects para matugunan ang pagtaas ng presyo ng langis,” ayon naman kay officer-in-charge Press Secretary Cheloy Garafil.
Discussion about this post