Nagbigay ng mataas na parangal at pagkilala ang Punong Lungsod na si Lucilo R. Bayron at ang Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa kay Congressman Edward Hagedorn sa pangunguna ni Bise Mayor Maria Nancy M. Socrates. Ang pagkilala ay sa pamamagitan ng resolusyon ng Posthumous Recognition.
Isa si Hon. Edward S. Hagedorn sa mga naging lider sa Puerto Princesa na nagsilbing punong lungsod mula 1992 hanggang 2013 at nagsilbing Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Palawan mula Hulyo 2022 hanggang sa kanyang pagpanaw.
Ang buhay at serbisyo ni Hon. Hagedorn ay nagdulot ng positibong pagbabago sa Puerto Princesa. Siya ang naging pangunahing tagapagtanggol ng ekolohiya at nanguna sa pagsasagawa ng mga proyektong nagbigay-karangalan sa lungsod, tulad ng pagkakaroon ng Puerto Princesa Subterranean River National Park bilang isa sa New 7 Wonders of Nature at UNESCO World Heritage site.
Isa sa mga maiinit na ipinagmamalaki ni Hon. Edward S. Hagedorn ay ang pagtataguyod sa Pista Y Cagueban, isang taunang reforestation activity na nagtagumpay sa pagsasama-sama ng iba’t ibang sektor ng komunidad. Ang kanyang malasakit sa kalikasan at pag-unlad ng lungsod ay naging halimbawa sa iba.
Sa pagpanaw niya, iginawad ng Sangguniang Panlungsod at Pamahalaang Lungsod ng Puerto Princesa ang posthumous commendation bilang pagpapahayag ng pasasalamat at pagkilala sa kanyang dedikasyon at ambag sa pagpapabuti ng Puerto Princesa. Ang kanyang serbisyo ay nag-iwan ng malalim na impluwensya at nagtatakda ng pamantayan para sa hinaharap ng lungsod bilang pangunahing destinasyon sa turismo at maayos na lugar na tahanan para sa kanyang mga mamamayan.
Discussion about this post