Inanunsyo ng Department of Health (DOH) kahapon, Mayo 31, ang unang kaso ng kamatayan sa Pilipinas na dulot ng e-cigarette o vaping use-associated lung injury (EVALI).
Ang biktima, isang 22-taong gulang na residente ng Laguna, ay pumanaw dahil sa atake sa puso na dulot ng matinding pinsala sa baga.
Ayon kay DOH Asst. Sec. Albert Domingo, ang biktima ay walang kilalang comorbidities at regular na gumagamit ng vape sa loob ng dalawang taon.
“Wala siyang risk factors maliban sa araw-araw siyang nagve-vape for the past two years bago siya atakihin sa puso,” ani Domingo sa isang media forum.
Sa isang pananaliksik na isinulat ni Dr. Margarita Isabel Fernandez at mga doktor mula sa Philippine General Hospital (PGH), na nailathala sa Respirology Case Reports journal ng Asian Pacific Society of Respirology, lumitaw na ang biktima ay nakaranas ng matinding pananakit ng dibdib, kakulangan sa paghinga, labis na pagpapawis, at pananakit ng kalamnan ilang araw bago pumanaw.
Isang linggo bago nito, siya ay may ubo na may plema, pag-ubo ng dugo, lagnat, at pagsusuka.
Ayon kay Dr. Riz Gonzales ng Philippine Pediatric Society Tobacco and Nicotine Control Advocacy Group, may tatlong naitalang kaso ng EVALI sa bansa ngayong Mayo 2024.
Kabilang dito ang isang 16-taong gulang na dual smoker mula Central Visayas at isang 22-taong gulang mula Alabang na dating naninigarilyo at lumipat sa vaping.
Ang pagkamatay na ito ay naganap habang isinusulong ng DOH ang pag-amyenda sa kontrobersyal na vape bill na nagpababa ng legal na edad para makabili ng vape mula 21 sa 18.
Ang batas na ito, na naging ganap na batas noong 2022, ay nagpapahintulot din ng flavorings, advertising, at sponsorship strategies para sa mga vape products.
Inilipat din ng batas na ito ang regulasyon ng vape mula sa Food and Drugs Administration patungo sa Department of Trade and Industry.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang mga produktong tabako, kabilang ang vapes, ay hindi ligtas, at nagbabala ito laban sa paggamit ng mga kabataan, kabataan, o buntis na kababaihan ng mga ito.
Bagama’t may potensyal umano ang vape na makatulong sa mga taong naninigarilyo na tumigil, sinabi ng CDC na hindi pa aprubado ng American Food and Drugs Association ang e-cigarette bilang tulong sa pagtigil sa paninigarilyo.
Ipinakita rin sa isang 2021 na pananaliksik ng John Hopkins Medicine (JHM) na mayroong libu-libong kemikal sa mga vape products, karamihan sa mga ito ay hindi pa natutukoy, kabilang ang mga kemikal na maaaring magdulot ng masamang epekto sa kalusugan.
Ayon sa Global Youth Tobacco Survey, isa sa pitong estudyante na edad 13 hanggang 15 ay gumagamit ng vape araw-araw, pangunahing dahil sa madaling aksesibilidad nito at maling pag-aakalang mas ligtas ito kumpara sa tradisyunal na sigarilyo.
Discussion about this post