Sa unang araw ng oral arguments sa Korte Suprema kaugnay ng kontrobersyal na paglilipat ng P89.9 bilyong sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) patungo sa pambansang kaban, binatikos ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier ang ahensya dahil sa umano’y paglabag nito sa Universal Health Care (UHC) Act.
Tatlong petisyon ang pinagsama sa kaso, kabilang ang mga inihain ng 1Sambayan Coalition, Senador Aquilino Pimentel III, at Bayan Muna chairman Neri Colmenares laban sa paglipat ng pondo. Pinagdududahan ng mga petisyuner ang legalidad ng Section 1(d) ng XLIII ng General Appropriations Act (GAA) 2024 at Department of Finance (DOF) Circular No. 003-2024, na nagpapahintulot sa paglilipat ng sobrang reserbang pondo mula sa mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) patungo sa pambansang badyet para sa hindi nakaprogramang gastusin ng gobyerno.
Sa pagdinig, ibinunyag ni Deputy Treasurer Eduardo Anthony Mariño III na umabot sa P464.29 bilyon ang naipong kita ng PhilHealth noong 2023. Nang tanungin kung ang pondong ito ay na-invest na, sumagot siya ng “oo,” na ikinagulat ni Lazaro-Javier.
Ayon sa batas, hindi dapat lumagpas sa dalawang taong gastusin ng PhilHealth ang reserbang pondo nito. Ang anumang sobrang pondo ay dapat gamitin para sa pagpapalawak ng benepisyo ng mga miyembro o pagbabawas ng kanilang kontribusyon bago ito maaaring ipuhunan.
Sa kabila nito, iginiit ni Mariño na patuloy na lumalaki ang kita ng PhilHealth bawat taon, kaya’t nadaragdagan ang reserbang pondo nito. Gayunman, binanggit ni Lazaro-Javier ang ulat ng Commission on Audit (COA) na nagsasabing “bangkarote” ang PhilHealth.
Ayon kay Mariño, ang hamon ay kung paano matutukoy ang eksaktong halaga ng “sobrang reserba.” Halimbawa, kung ang itinakdang dalawang taong gastos ay P280 bilyon, ngunit P240 bilyon lamang ang nagamit, maaaring P40 bilyon ang ituring na sobrang pondo.
Discussion about this post