Nahuli ng mga gwardya ng Drugman Drughouse sa Brgy. Model, H. Mendoza Street, Puerto Princesa, ang isang 32-anyos na construction worker matapos umanong looban at tangayin ang ilang paninda sa establisyemento.
Ayon sa inilabas na impormasyon ng Puerto Princesa City Police Office sa kanilang Facebook page, dumulog sa himpilan ng pulisya si Joe na Liaison Officer ng Man of All Trades Inc. (Drugman Drughouse) kasama ang nahuling suspek na isang residente ng Purok Bucana, Zone 3, Brgy Iwahig.
Base sa inisyal na impormasyon at kuha ng CCTV camera sa establisyemento, nahagip ang arestado kasama ang kasabwat nitong nagnanakaw ng mga paninda. Nang paalis na sa establisyemento ang isang suspek at tanungin ang laman ng kaniyang sling bag ay wala umano itong naipakitang resibo ng mga nakalagay na anim na bote ng Pantene Silky Smooth Shampoo na nagkakahalaga ng Php170 pesos ang isa (Php 1,020.00 ang kabuuang halaga).
Dahil dito, dinala sa himpilan ng pulisya ang lalaki kasama ang mga ninakaw nitong shampoo para i-report. Natukoy naman ang isang suspek na si Bon a.k.a “Liit” na residente rin ng Brgy. Iwahig.














