Sa tulong ng mga intelligence report ng Puerto Princesa City Jail, dalawang kahon ng bultong-bultong maskada at sigarilyo ang napigilan maipuslit sa loob ng bilangguan gamit ang mismong sasakyan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Sabado, Enero 20.
Ayon kay Jail Officer 2 Marlito Anza, Public Information Officer ng BJMP, ilang araw bago ang nangyaring entrapment operation ay nauna nang may nakarating na impormasyon sa pamunuan ng BJMP tungkol sa umano ay kontrabandong ipapasok sa loob ng bilangguan.
“Actually prior doon sa nangyari noong Saturday, few days before ang Saturday may na-receive ang management na information na mayroon nga daw ipapasok na marami bulto-bultong mga tabako at sigarilyo and because of that information, doon kasi sa intelligence mayroon tinatawag na pinaprocess, ini-extract yung mga informations.” Sabi ni Anza.
Nang masigurado ng pamunuan ng BJMP na positibo nga ang mga impormasyong nakarating sa kanila ay kaagad silang nagplano ng isang entrapment operation at nalaman na ang modus na gagamitin sa pagpasok ng kontrabando ay ang mismong van ng BJMP.
At itong araw ng Sabado nang makita na mayroon ngang kontrabando sa transit ng BJMP Van ay kaagad itong dinala sa City Sports Complex at doon ay tinanggal ang mga kahon na naglalaman ng mga pakete ng sigarilyo at tabaco.
Matapos nito ay inutusan ni jail warden ang mga tauhan nito na gumawa ng replica ng mga kahon na muling ikinabit sa sasakyan para sa isasagawang entrapment operation.
“Actually pwede naman na dito palang kunin na yung kontrabando pero ang purpose ng management is to know kung sino yung involved na PDL (Person Deprived of Liberty) and hindi pwedeng tanggalin dito kasi for sure binabantayan naman nila yan kung sino yung involved dyan kaya ang ginawa dinala ang BJMP Van sa City Sports Complex at doon nila tinanggal,” ani Anza.
Kinabukasan, araw ng Linggo, bandang 9:35 ng umaga kung saan usual na ipinapasok sa compound ng BJMP ang naturang sasakyan para linisan ay nilapitan ito ni Roger Teodoro, o mas kilala sa tawag na “War Freak” saka binaklas ang dalawang kahon na nakakabit sa transit at doon ay nilapitan na siya ng otoridad.
Tinatayang aabot sa mahigit-kumulang P150,000 ang halaga ng nakumpiskang mga pakete ng sigarilyo at maskada kung ikukumpara ito sa presyo sa merkado.
Paliwanag pa ni Anza, “ang mga nabanggit na kumpiskado ay kinokonsiderang mga kontrabando at mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng piitan.”
Naniniwala naman ang pamunuan ng BJMP na ito ang unang beses na may nagtangkang magpuslit ang mga bilanggo ng ganitong kontrabando.
Sa ngayon patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng pamunuan patungkol sa nangyari at kapag nalaman at napatunayan kung sino ang mga bilanggong sangkot dito ay dadaan umano ang mga ito sa disciplinary board, kung saan sila ang magbibigay ng mga authorized disciplinary punishments sa mga PDL na lumalabag sa panuntunan ng pamunuan.
Matatandaan naman na minsan nang naparangalan ang Puerto Princesa City Jail na “The First Drug Free Jail in the Philippines”. Dalawang beses na din ito naging “Red Orchid Awardee” at nakaraang taon lamang ay naging “White Orchid Awardee” naman.
Paliwanag ni Anza, “ang mga award na yan ay ginagawad ng Department of Health sa mga different establishments and government offices na nagpaparticipate sa kanilang patimpalak “for implementing 100% tobacco free environment” meaning in support doon sa program ng Department of Health na dinidiscourage ng DOH ang paninigarilyo at umaasa kami na muling makukuha ito sa kasalukuyang taon kaya naman mahigpit na ipinagbabawal ang tabako o sigarilyo sa loob ng city jail.”
Nanawagan din si Anza sa City Government patungkol sa hiling ng pamunuan ng BJMP na magkaroon ng City Ordinance kung saan magbibigay ng parusa sa sinumang mga bisita at indibidwal na magpapasok ng cellphone, sigarilyo, tabaco at camera sa loob ng City Jail.
Aniya, “2013 mayroon kaming inilobby sa City Government of Puerto Princesa na sana magkaroon ng City Ordinance na kasi kapag nahuli natin sila wala silang kaso. So paano magkakaroon ng ngipin yung pinapatupad nating policy kung walang ngipin yung implementation natin ng batas. So ang mangyayari nyan ibabann lang natin ang bisita and then after nyan few months pwede na naman sya dumalaw.”
Dagdag pa niya, “Napakarami na sa buong Pilipinas ang mayroon nang gantong ordinance pero tayo wala pa din. As of January 2018, total of 62 ordinances patungkol dito ang mayroon na sa buong Pilipinas and sa MIMAROPA only the Udyungan District Jail ang mayroon lang.
Discussion about this post