Umani ng positibong reaksyon ang napabalitang pagsusulong sa kongreso ng isang panukalang magpapabalik sa paglalagay ng mga Kadiwa centers sa bansa.
Laking galak ni lolo Modesto ng Barangay Plaridel, Aborlan, Palawan nang mapabalita ang balakin ng isang mambabatas na ibalik muli ang Kadiwa Centers.
Sinabi ni lolo Modesto, malaking tulong para sa kanilang magsasaka ang pagkakaroon nito (Kadiwa center) dahil direkta na nilang maibebenta ang kanilang mga produkto sa presyong tapat at hindi na dadaan pa sa mga mayayamang mamumuhunan na sa dakong huli ay halos angat pa sa kanilang presyong puhunan ang halaga ng kanilang mga produkto.
“Isang magandang balita yan, sana sa lalong madaling panahon ay maibalik ang Kadiwa center, makakatulong ito ng malaki sa amin mismong mga nagtanim at nag-aani ng mga pananim”, ayon kay lolo Modesto.
Para naman kay Manong Rafael , isang mangingida ng Barangay Panacan, bayan ng Narra, panahon na para muling magkaroon ng mga Kadiwa centers. Sinabi nito na noong kanilang kapanahunan, direkta nilang naipagbibili ang kanilang mga hulintg isda sa mga residente ng kanilang lugar, at ang presyo ay hindi ganitong nagtataas nguni’t ang bawat isa ay masasabing tama lamang ang nabiling produkto at ang kitang napunta sa kanila.
Ayon kay Manong Rafael, “noong bata pa ako, kasama ako ng aking ama papunta sa mga Kadiwa, tapos mabilis ang bilihan sa presyong gusto naming at sa produktong nais ng bumibili, walang agrabyado at maganda ang negosyo.”
Napag-alaman na isinusulong ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee sa liderato ng Kamara at ninanais nito na bigyang suporta ang kanyang panukalang batas na magtatatag ng Kadiwa Agri-food Terminals sa lahat ng siyudad sa buong bansa, para makatulong sa mga magsasaka at mangingisda nang sa gayon ay tuluyan nang mapababa ang epekto ng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang panukalang batas ni Lee ay sakop ng kanyang House Bill No. 3957 o “Kadiwa Agri-Food Terminal Act” na mag-iinstitutionalize sa mga food terminal na pangangasiwaan ng Department of Agriculture at local government units.
Ayon kay Congressman Lee, ito ang epektibong solusyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng inflation rate na ngayon ay nasa 7.7% na. Sa sandaling maibalik na ang pagkakaroon ng Kadiwa Centers, mawawalan na ng saysay ang mga nag-aastang middlemen sa mga negosyong lokal na kung saan naaapektuhang direkta ang mga magsasaka at mangingisda, at maaari na nitong mapababa ang presyo ng mga bilihing local ng mula 10 hanggang 20 porsiyento.
Sinabi ni Lee, “sa bilis ng pagtaas ng inflation, naiiwan na may mas mabigat na pasanin ang ating mga consumer. Kasama dito ang ating mga magsasaka at mangingisda na katiting na nga lang ang kinikita, problemado pa sa nagtataasang presyo ng bilihin. ”
Discussion about this post