Posible na sa susunod na taon ang P20/kilo na ang presyo ng bigas, kung sakali mang tanggapin ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukala ng Department of Agrarian Reform (DAR) na isa rin sa mga pangako ng president-elect sa kanyang kampanya.
Ayon kay DAR Secretary Bernie Cruz noong Lunes, Hunyo 6, siya ay umaasa na kanilang mapag-usapan ang nasabing panukala, kasama ang president-elect, at iba pang government agencies at local government units upang mailabas na ito sa publiko.
“Pag na-discuss po natin yung details with the president-elect, sigurado po na magkakaroon ng guidelines within the next six months [ay] makikita natin,” ani Cruz sa isang press conference.
“Siguro po first quarter next year, baka may makita po,” sabi ni Cruz nang tanungin kung posible na nga ba ang P20/kilo ng bigas.
Dagdag naman ni Undersecretary David Erro, target rin nila ang pag “fully mechanizing” sa ektaryang lupain na maaaring magamit sa pag-produce ng bigas, pati na rin ang pag “ensure” sa seguridad ng pagkain at kikitain ng mga magsasaka.
“Now, under this program, ito na nga ‘yung (this is the) PBBM — Programang Benteng Bigas para sa Mamamayan. Ang prototype namin po rito ay 150,000 hectares na lupaing palayan,” saad ni Erro.
“So that sa isang 150,000 hectares na lupain na tataniman natin ng palay, ang maaari nating mapakain dito sa halagang P20 na bigas ay umaabot ng nine million,” dagdag ng opisyal, kung saan ang 150,000 ektarya ng lupain na tataniman ng mga palay ay makakabuo ng 23-milyon na kaban ng bigas.
Ayon naman sa National Irrigation Administration, kasalukuyang may 1.2 million hectares ng “irrigated lands” sa Pilipinas, karamihan dito ay nasa Central Luzon at Cagayan Valley, at mayroon namang 2.3-milyong ektarya pa ng lupain na pwede ring magamit sa produksyon.
Sa ngayon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit 26.14 million na mga Pilipino ang mga kabilang sa mahihirap na sector.
Discussion about this post