Dahil na rin sa kabi- kabilang mga pahayag ng mga senador hinggil sa kanilang ninanais na mapakinggan sa State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., minarapat ng Palawan Daily News na kalapin ang ilan sa damdamin ng mga ordinaryong residente at lokal na opisyal ng lalawigan ng Palawan.
Isa sa nagpahayag ang magsasakang mula sa bayan ng Narra, na nagsabing maging bahagi sana ng SONA ng Pangulong Marcos ang pagpapababa sa presyo ng mga fertilizer at pestisidyo, at mabawasan na ang kartel ng mga prodyuser at manupakturer na nagkakasundong manipulahin ang mga presyo, pagtitinda at produksiyon ng mga produktong agricultural sa bansa.
Bukod dito, nagpaabot din ng kanyang kahilingang mapasama sa bibigkasing talumpati ng Pangulong Marcos si Vice Mayor Mary Jean Feliciano ng bayan ng Brooke’s Point, na kilala rin bilang advocate ng environmental protection.
Mariin niyang hinihiling na maisama sa ilalatag na plano at programa ang patungkol sa pagpapatuloy ng pangangalaga, pagsalba at proteksyon sa kapaligiran at mga gawaing napapatungkol sa lumalalang climate change.
Napag-alaman na ang climate change sa bansang Pilipinas, ay maituturing na nagdudulot ng seryosong impact katulad ng pagkakaroon ng mga hindi inaasahang natural disasters sa iba’t – ibang panig ng bansa, isama pa rito ang lumalalang environmental degradation.
Ang lahat nang ito, para kay Vice Mayor Feliciano ay nagdudulot ng epekto sa ating agrikultura, suplay ng inuming tubig, imprastraktura, kalusugan ng mga mamamayan at coastal ecosystems na kung saan ang mga ito ay tuluyang sisira ng ekonomiya at ekosistema ng ating bansa sa pangkalahatan.
Sa kaugnay na balita, nagpahayag naman si Senador Robin Padilla na nais niyang marinig ang mga plano para sa pagpapatuloy ng mga programang napasimulan ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Padilla, yaong mga programa para sa agrikultura, enerhiya at trabaho ng dating Pangulo, bukod pa ang mga naging pangako ni BBM sa nagdaang panahon ng kampanya sa 2022 elections.
Matatandaan na ilan sa partikular ay patungkol sa mga magaganda at matagumpay na programa ng Duterte administration tulad ng war on drugs at Build Build Build program. Bukod dito, nais din ni Senator Padilla na malaman ang programa ng administrasyong Marcos sa kuryente kasama na ang balak niya sa paggamit ng nuclear energy.
Maliban kay Senador Robin Padilla, nagpahayag din si Senator JV Ejercito na nais niyang ilatag na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga plano at programa ng administrasyon para sa susunod na anim na taon sa unang State of the Nation Address (SONA) nito.
Para kay Ejercito, kailangang maging ispesipiko si Pangulong Marcos sa mga magiging plano nito para sa bansang Pilipinas. Maliban dito, sinabi rin ng senador na nararapat na pagtuunan ng pansin ng Pangulong Marcos ang mga plano para sa economic recovery sa gitna ng COVID-19 at proteksyon ng mga mamamayan sa pandemya kasabay ng pagpatutupad ng Universal Health Care Law, plano sa imprastraktura at food security. Sinabi ni Ejercito, palaging pinagtutuunan noon ng Pangulo ang pagpapatuloy ng Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte.
Discussion about this post