Masayang ibinahagi ng isa sa mga nagtitinda ng gulay sa Bagong Pamilihang-bayan sa Lungsod ng Puerto Princesa na unti-unti nang sumisigla ang bilihan ng mga gulay sa kasalukuyan.
Ayon sa owner ng “Boyet Store” sa Fruits and Vegetables section na si Rocyl Aguilar, nagsimulang bumalik ang sigla ng bentahan ngayong patapos na ang buwan ng Nobyembre kumpara sa matumal na bentahan noong nakaraang mga linggo.
Aniya, sa kasalukuyan ay native vegetables ang mga mabenta habang ang gulay-Baguio, o mga gulay na inaangkat nila mula sa Baguio City, ay bahagya pang matumal at baka maging mabenta umano ang mga ito kapag papalapit na ang Pasko at ang Bagong Taon.
Ipinagmamalaki naman niyang mas mura ang kanilang mga presyo sapagkat wholesaler sila ng mga gulay at prutas.
“Direct farm-supplier kami. Katulad mo niyan, may nag-deliver ng kangkong, sarili niya pong tanim ‘yan. Siya po ang nagda-direct dito kaya mas mababa po ang benta namin,” ani Aguilar.
Dagdag pa nito, halos karamihan sa mga lokal na produkto ay mula naman sa timog na bahagi ng Lalawigan ng Palawan.
Payo naman niya sa mga nanay o sa mga mamimili ng New Market na mainam na mamili ng gulay at prutas tuwing Biyernes hanggang Linggo dahil sa mga araw na iyon isinasagawa ang “Bagsakan” kung saan mas mura ang presyo bilihin. Samantala, kung mamimili naman sa weekdays ay piliing mamamelengke sa umaga.
“Ngayon bagong dating, mamayang hapon ubos na naman. Araw-araw kasi may deliver ng gulay dito sa amin. Mas maganda, umaga [mamalengke] para makapili ng magagandang produkto,” ayon pa sa ginang.
Dahil naman sa pagtaas ng gasolina at kakulangan pa ng supply, naramdaman kamakailan ang pagtaas ng karamihan sa presyo ng mga gulay. Ngunit kung ikukumpara naman umano ang dami ng gulay sa kasalukuyan ay mas maganda na ang supply sa ngayon kumpara sa nakalipas na mga araw dahil panahon na ngayon ng pagha-harvest.
Nakaranas man ng matinding pagbagsak ng kanilang negosyo noong lockdown, sa unti-unting pagbabalik-normal, umaasa ang mga vegetable vendor na magpapatuloy na ito sa mga susunod na mga araw.
Para sa mga nais pumunta sa Bagong Pamilihang-bayan, bukas ito mula 5 am hanggang 7 pm.
Discussion about this post