Nakapagtala ang City Government ng mga panibagong kaso ng local transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) dito sa lungsod ng Puerto Princesa sa isinagawang live update ng City Information Office (CIO) at City Incident Management Team (CIMT) kanina, September 30.
Ayon kay Dr. Dean Palanca head ng City IMT malungkot nitong inanunsyo na may bagong dagdag na tatlong mga nag positibo sa COVID-19 sa lungsod.
“Tayo ay may dagdag kaso local ano at hindi sila galing labas ng Puerto Princesa ito po ay galing sa mga direct contact ng ‘Barangay Mandaragat Case’. Tatlo po ang ating bagong kaso,” saad ni Dr. Palanca.
Ayun pa kay Dr. Palanca isang 23 anyos na lalaki na nagtatrabaho sa isang private power company at nakatira sa Barangay San Jose at hindi umano ito nakitaan ng alinmang sintomas ng COVID-19.
Ang pangalawang kaso ay isang 22 anyos na babae na nagtatrabaho sa isang department store at pawang residente din ng Barangay San Jose. Katulad din ng naunang kaso, hindi umano ito nakitaan ng sintomas o may nararamdaman. na kung tawagin ay ‘asymptomatic’. Ang ugnayan ng dalawang ito ay pawang mga kaibigan ng naunang nag positibo sa Brgy. Mandaragat kung saan sila ay magkakasama sa isang pagtitipon sa isang resort dito sa lungsod nitong September 20.
Habang ang pangatlong nag positibo naman ay isang 53 anyos na babae na nagtatrabaho bilang government health worker at nakatira sa Barangay San Pedro. Siya ay family member ng naunang nag positibo sa Barangay Mandaragat at mayroon umano itong kaunting sipon.
Samantala, muli naman nag bigay ng paalala ang lokal na pamahalaan ng lungsod na kung hangga’t maari ay iwasan muna ang mga ganitong klase ng pagtitipon, iobserba parin ang social distancing at sumunod sa mga health protocols.
Discussion about this post