Bumuwelta si 3rd District Board Member Albert Rama sa mga nagsasabi na may kaugnayan ang nalalapit na plebisto para sa pagtatatag ng tatlong probinsya sa Palawan sa pagdeklara ng Sangguniang Panlalawigan kay Palawan NGO Network, Inc. (PNNI) Executive Director Robert ‘Bobby’ Chan bilang persona non grata.
“Walang kinalaman ang 3in1 dito. Alam mo naman yung mga kumokontra sa amin lahat ng aming mga ginagawa nilalagyan ng pahiwatig, nilalagyan ng ibang interpretasyon,” ani BM Rama.
Nilinaw din nito na hindi nakatoon sa pagtatatag ng tatlong probinsya ang usapin kahapon kundi sa ipinadalang sulat ng isang residente sa Lungsod ng Puerto princesa at ang mga sinabi sa pinag-uusapang video ni Attorney Chan.
“Hindi nga nabanggit ang 3in1 [sa sesyon] sapagkat kami ay nakatuon lang doon sa kaniyang [Atty. Chan] mga sinabi na para sa amin ay nagagamit kami sa kaniyang mga ginagawa,” Dagdag pa ni BM Rama.
Pinasinungalingan naman ito ni Cynthia Sumagaysay Del Rosario ng One Palawan Movement dahil naniniwala sila na mayroon talagang kinalaman ang 3in1 sa pagdeklara ng persona non grata sa Executive Director ng PNNI.
“Hindi kami naniniwala kasi si Attorney Bobby Chan ay nangangampanya rin laban sa division [ng Palawan] at ang pinakamainit na isyu ngayon ay malapit na mangyari ang plebisito [sa pagtatatg ng tatlong probinsya]…Itong pagbabatikos ay [noon pa at] inuunti-unti nila ito si atty. Bobby Chan. Ngayon [lang] ginawa yung persona non grata pero dati pa nila pinapasaringan. Ilang taon na [ang] video na yan pero ngayon lang umaksyon ng ganyan,” ani Del Rosario.
Naniniwala si Del Rosario na paraan ito ng mga sumulusong ng 3in1 Palawan na patahimikin ang mga komukontra partikular na ang mga NGOs.
“Gusto ata nila na sampolan o tirahin ang NGO para ipakita ang kakayanan nila na tumahimik ang iba kaso hindi naman yun ang mangyayari, iba ang epekto nito sa tao,”dagdag pa nito.
Samantala nanindigan ang One Palawan na ipagpapatuloy ang kanilang ipinaglalaban na huwag hatiin sa tatlong probinsya ang Palawan.
Discussion about this post