PUERTO PRINCESA CITY —Bigo pang makahanap ng kasagutan si Puerto Princesa Acting Vice Mayor Socrates hinggil sa kaniyang kapangyarihan sa kasalukuyang posisyon.
“Walang linaw in the sense that we do not know if I can already appoint or dismiss employee, ‘yong other functions nagagampanan ko narin naman ngayon, “pahayag ni Socrates sa media interview.
Sinabi ng opisyal na malaki ang epekto ng kawalan niya ng kapangyarihang makapag-appoint lalo na’t kinakailangan nang magkaroon ng mga emplyedo ang opisina ng pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation maging ang pag-upo ng presidente ng Liga ng mga Barangay.
Maliban dito, may mga posisyon din aniya na nangangailangan ng promosyon subalit patuloy na nakabinbin dahil sa kawalan ng mag-a-apruba.
“Mayroon ding sinasabi sa Section 46 A of the Local Government Code, pero local chief executive lang kasi ang binabanggit doon,” dagdag pa ni Socrates.
Ayon pa sa opisyal, humingi na ng payo ang kaniyang kampo sa legal department ng Department of Interior and Local Government (DILG) subalit wala pa ring tugon ang kagawaran hanggang sa kasalukuyan.
“Mag-iisang taon na wala pa rin silang sagot. It’s the DILG who can tell me kung makakapag-appoint ba ako o hindi,” ani pa ng konsehal.
September 2017 nang makulong sa Puerto Princesa City Jail si Vice Mayor Luis Marcaida lll, kasunod ang pag-akto ni Socrates sa posisyon.
Paglilinaw niya, tanging pagpirma sa mga pa-suweldo, City Franchising Regulatory Board (CTFRB) at iba pang basic function ang kaniyang ginagampanan, subalit hindi ang pagpirma sa appointment ng mga empleyado na isa sa mga obligasyong nangangailangan din ng agarang tugon.
Bunsod nito, aanyayahan ng Sangguniang Panlungsod si DILG Mimaropa Regional Director Florida Dijan upang bigyang linaw ang usapin.
Susulat din ang konseho kay OIC DILG Secretary Eduardo Ano para hilingin na agad maresolba ang problema. (AJA/PDN)
Discussion about this post