Nitong Sabado, Pebrero 6, 2021, nagsagawa ang Puerto Princesa City Government ng ‘dry-run’ kaugnay sa nalalapit na pagbabakuna kontra sa COVID-19 na isinagawa sa Puerto Princesa City Coliseum at iba pang ospital sa lungsod.
Ayon kay Dr. Ricardo Panganiban, City Health Officer at PPC-COVAC Chairman, ang unang proseso ay ang registration o pagtatala ng mga nais magpabakuna . Sa prosesong ito, kailangang aniya na um-attend ng isang ‘lecture’ sa barangay. Kailangan din mag-fill-up ng isang dokumento kung saan ilalagay ang mga personal na impormasyon. Matapos nito ay bibigyan ka na ng ‘number’ o schedule sa pagpunta sa lugar na gagawin ang pagbabakuna.
“May mga schedule na yan [at dadalhin yan dito]. Bibigyan ka naming ng number. Halimbawa ikaw si Wilmar [at] ang date mo [ng pagpapabakuna] ay February 9 [ng] umaga, pupunta ka dito…”
Dagdag pa niya na ang gagawing pag-schedule ng mga babakunahan ay kada barangay o kay naman ay “per workplace.”
Ikalawang proseso naman ay screening o ang pagpunta sa City Coliseum upang ma-interview at matukoy kung nasa tamang estado ng kalusugan para mabakunahan. Sa prosesong ito, inaasahan na maiwasan na magkakaroon ka ng ‘adverse reaction’ or matinding reaksyon sa vaccine. Kailangang din magdala ng kaukulang dokumento na nagpapatunay sa pagkakakilanlan ng isang indibidwal dahil ang mga bakuna ay nakalaan para lamang sa mga residente ng Puerto Princesa City.
Dagdag pa ni Dr. Panganiban, kung nais naman ng ilang indibidwal na magpabakuna sa ospital ay maaari rin pumunta doon subalit ang COOP, Provincial Hospital, WESCOM, at Adventist lamang ang mga ospital na kasalukuyang nagpahayag ng interes na maging kaagapy ng lokal na pamahalaan sa vaccination implementation. Kung mapag-desisyunan na sa ospital magpabakuna ay kinakailangan pa rin na magparehistro sa barangay na kinabibilangan.
“Vaccination site po natin ang [City] Coliseum. Doon din po yung ating mega vaccination site. Although yung COOP nag-signify na po sila na magbabakuna din sila gayun din sa kanilang mga health workers. [Kung] may mga gusto doon magpabakuna, puwede din yun. Yung Adventist ganun din nakausap ko na po si Dr. Bermejo at yung Ospital ng Palawan. Yung WESCOM most probably kasi government hospital yan lalong-lalo na yung mga naka uniformed personnel most probably doon din sa kanila.” (panayam kay Dr. Panganiban noong Pebrero 5.)
“ID oo syempre [kailangan din dalhin yan maliban lang sa registration form] para naman malaman naming na taga dito ka at kung sino ka.”
Ang ikatlong proseso ay ang pagkuha ng ‘vital signs’ tulad ng blood pressure at temperatura.
Kapag stable ang vital signs ay pwede nang dumiretso sa ‘vaccination area’ para ikaapat at pinakamahalagang proseso, ang pagturok ng COVID-19 vaccine.
Matapos mabakunahan, kailangang manatili muna sa lugar ng 30 minuto upang matiyak na walang masamang reaksyon sa bakuna.
Samantala, mayroong nakatalagang ‘emergency room’ kung saan dadalhin ang sinumang magkaroon ng reaksyon sa bakuna at mayroon din mga ambulansyang naghihintay sakaling may kailangang isugod sa ospital.
Discussion about this post