Naniniwala si City Councilor Nesario Awat na malaki ang posibilidad na ang authorized persons outside residence o APORs ang pinagmulan ng pagkalat ng kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa maging sa lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Awat, ang locally stranded individuals (LSIs) at returning overseas filipinos (ROFs) ay diretso naman sa quarantine facility at isinasailalim sa Rapid Diagnostic Test. Pero ang mga APOR anya ay malayang nakakapunta sa iba’t-ibang lugar sa pagganap ng kanilang tungkulin alinsunod narin sa sinusunod na guidelines mula sa national government.
Para sa konsehal, malaki ang posibilidad na dito nagkaroon ng problema dahil hindi naman nasasailalim sa quarantine ang APORs at nakakauwi pa sa kanilang mga bahay matapos trabaho.
“Ang mga LSI at ROF, diretso sa quarantine natin ‘yon kaya kontrolado natin unless nagkaroon ng leak doon sa PPE ng APORs natin kaya nagkaroon ng transmission. Hindi kasi natin sila [APORs] strictly monitored kaya ‘yon ang problema dyan,” ani Councilor Awat.
Dahil dito, sinabi ni Awat na mahalaga talagang mahanap si “patient zero” upang mapadali na ang contact tracing na ginagawa ngayon ng city government at mapigilan ang paglobo ng mga tinatamaan ng virus.
“Kung ako personally, hindi na-trace ‘yong original… ‘yong source [COVID-19] kaya masasabi ko na hindi talaga ako fully satisfied. Pero syempre nasa City Health Office ‘yan kung papaano nila makukuha ‘yong source nun, ‘yong original na nagkaroon tayo ng transmission,” paliwang ng konsehal.
Kaugnay nito, una nang sinabi ni City Health Officer Dr. Ricardo Panganiban na nagsumite na sila ng rekomendasyon na kung maaari ay isailalim din ang APORs sa 14-day quarantine upang matiyak ang kanilang kaligtasan at ng nakararami sa banta ng COVID-19.
Mahalaga rin kasi anya na dumaan sa ilang mga proseso ang APORs kahit frontliners ang mga ito lalo pa’t kahit nasa ilalim pa noon ng enhanced community quarantine ay malayang nakakabiyahe ang mga ito.
“Actually, ‘yon ang recommendation namin at hinihintay lang namin ‘yong guidelines na ‘yon na ilalabas dito sa city. In a form ng executive order s’ya dahil kami po sa cluster ng medical, gumawa kami ng recommendation kung ano ang mga dapat gawin ng APORs. At least mayroong certain process na dapat gawin at dapat kung mag-undergo sila ng quarantine, 14-days din dapat kasi pagpasok palang nila, diretso na sila kung saan man sila pupunta,” ani Dr. Panganiban.
Samantala, sa usapin naman ng paghahanap sa “patient zero”, nilinaw ni Panganiban na hindi nila direktang sinasabing APOR ito bagkus ay isinama lang nila ang APOR sa isinasagawang expanded contact tracing.
“Lahat naman po ay possible at hindi lang doon naka-sentro. Tuluy-tuloy naman ang ating contact tracing dahil pwedeng APOR, pwedeng LSI o ROF. Pero sa percentage kasi kung titingnan natin, mas may hold lang tayo sa mga umuuwi dito dahil may quarantine period sila. Hindi s’ya definite na APOR talaga, ang sinasabi lang namin is kung titingnan mo ang consideration, doon medyo mataas ang percentage but hindi talaga natin masasabi pa,” dagdag ng health official.
Sa kasalukuyan, nananatiling 12 ang active COVID-19 cases sa lungsod ng Puerto Princesa, apat ang gumaling habang isa na ang namatay.
Discussion about this post