Nasawi ang isang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga kriminal bandang alas-5:28 nitong hapon ng Pebrero 18, sa kahabaan ng Bayview Road, Barangay San Pedro.
Ayon sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), naisugod pa ang biktimang hindi pa pinapangalanan ng pulisya sa ACE Medical Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival (DOA) matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa inisyal na imbestigasyon, batay sa kuha ng CCTV sa lugar, naglalakad umano ang biktima patungo sana sa San Pedro Parish Church nang bigla siyang lapitan ng salarin mula sa likuran at pagbabarilin.
Dahil sa krimen, agad na inatasan ni Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) Director PCOL Cristine M. Tabdi si PMAJ Noel A. Manalo, Officer-in-Charge ng Police Station 1, na magsagawa ng masusing imbestigasyon, kabilang na ang pangungulekta at pagsusuri ng mga Closed-Circuit Television (CCTV) malapit sa lugar, at ang pangangalap ng ebidensya sa mismong pinagyarihan ng insidente.
Bumuo na rin ang PPCPO ng Special Investigation Task Group (SITG) upang tutukan ang pag-iimbestiga at mapabilis ang pagresolba sa pagpatay.
Samantala, mariing kinondena naman ng pulisya ang insidente at nangakong gagawin ang lahat sa legal na hakbang upang mapanagot ang mga suspek sa likod ng pamamaril.














