Tulad ng nakaraang taon bago ang pagpapailaw sa “Christmas Tree ng Bayan” kada unang araw ng Disyembre, buong pagmamalaking iniulat ni Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa loob ng 11 buwang panunungkulan sa taong 2019.
Ang mga ito ay ang mga proyektong pang-imprastraktura, mga programang mapagkalinga, pangkalusugan at pagpapasiguro sa kaligtasan at kaayusan, pang-ekonomiya at kabuhayan at mga proyektong makakalikasan.
Naging ritwal na bahagi ng kanyang talumpati ay unang pinasasalamatan ang Dakilang Lumikha sa patuloy na pangangalaga sa lungsod at sa pag-adya sa kalamidad at sa biyayang napakayamang samu’t saring buhay, marine resources man o terrestrial.
Di rin kahalintulad noong nakaraang taon, ngayon, hindi pa nagsasalita ang Punong Lungsod ay may ideya na ang mga mamamayan sa laman ng kanyang pananalita dahil may nagbibigay ng kopya nito sa entrance area ng Baywalk Park.
Ilan sa mga ipinagmalaki ng Super Apuradong Administrasyon ay ang naitayo na at nag-o-operate ng Mini City Hall sa Brgy. Macarascas, pagpapatupad ng ordinansang nagbabawal sa “single-use plastics,” pagbabalik ng pampublikong operasyon ng slaughter house at ng dalawang pamilihang-bayan matapos ang ilang taong pamamahala ng Areza dahil na-privatize ng nakaraang administrasyon, pagpapasimula ng proyektong Wastewater Treatment Plant bilang bahagi ng pangangalaga sa mga baybayin at maging ang pagpapatayo ng karagdagang mga barangay health centers sa anim na barangay, pagpapalakas ng seaweed production at marketing, at pagbili ng mga bagong agricultural equipment upang lumaki ang kita ng mga magsasaka.
Gayundin, malugod ding ibinahagi ni Mayor Bayron ang tagumpay sa pagho-host ng ilang national event gaya ng Batang Pinoy at Subaraw Biodiversity Festival kamakailan.
Partikular namang nakasulat sa ilalim ng “Completed Building/Infrastructure Projects” ay ang natapos ng dalawang classroom school building, dalawang development ng Sports Complex Restrooms, dalawang health station, apat na multi-purpose building, isang covered court, isang Mango Processing Facility & Market Center, isang day care center, temporary shelter, multi-purpose drying pavement, development ng Balayong Park, pag-upgrade ng ng Salvacion View Deck, dalawang School building na may kasamang palikuran, isang public toilet na may kasamang shower rooms, limang barangay multi-purpose buildings, isang Agri-Training Center Phase II, at pagpapagawa ng Persons with Disabilities (PWD) Affairs Building.
Ibinida rin ng Ama ng lungsod ang mga nakamit na parangal katulad ng “Child Friendly City” sa regional level at nakamit pa ang Presidential Award, Best LGU Health Implementer buhat sa DOH, pagkilala ng PNP sa lungsod bilang isa sa mga “Most Peaceful Cities in the Philippines” at pagkilala rin ng DILG sa pangrehiyong lebel ukol sa nakuhang pinakamataas na marka ng “Council for the Protection of Children”
KALUSUGAN
Isa rin sa naging highlight ng “Light a Tree” Program ay ang paglalagda sa kasunduan ng Punong Bayan ng Roxas at ang Punong Lungsod ng lungsod ng Puerto Princesa para sa Universal Health Care.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo na ang pokus ng kanyang administrasyon “ay preventive medicine” kaya hindi sila magtatayo ng ospital “bagkus palalakasin ang mga kababayan natin para malusog at di magkasakit.”
Mas palalakasin din umano ang mga itatayong satellite clinic sa mga barangay Luzviminda, San Rafael, Napsan, Simpocan at Macarascas. Gagawin din umano ang mga ito na Philhealth accredited, lalagyan ng birthing facilities, at permanenteng doktor mula Lunes hanggang Biyernes na kanya umanong mahigpit na direktiba kay City Health Officer Ric Panganiban.
Pagbubutihin din umano ang kapasidad ng City Health Office sa pamamagitan ng pagpapagawa ng tanggapan nito sa Government Center na magkakahalaga ng P60 milyon. Nalaanan na umano ito ng pondo at tinatapos na lamang ang final design.
Kautusan din umano ni Mayor Bayron na apurahin ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan at ilapit ang gobyerno sa kanila. Tulad ng kanyang mga unang anunsiyo sa media ay operational na ang Macarascas Mini-City Hall habang pinamamadali na sa Brgy. Napsan na bahagi sa apat na mini-City Hall na ang iba ay matatagpuan sa Brgy. San Rafael at Luzviminda.
“Bawat Mini-City Hall, may katabing enhanced satellite clinic para maasikaso ang mga kababayan natin sa kanilang mga nasasakupang area at apat na PNP Stations para mapangalagaan ang kapayapaan ng lugar na ‘yun,” aniya.
IMPRASTRAKTURA
Pag-iibayuhin din umano ang kapasidad ng City Engineering sa pamamagitan ng pagdagdag ng technical personnel kaya nagkaroon ng 39 bagong posisyon na sa kabutihang-palad ay napunan na habang ang walo namang bakanteng posisyon ay pupunan na rin.
“Magtatayo na tayo ng departamento ng architecture, building official. Kailangan na ho natin ito dahil ang Puerto Princesa ay napakabilis ng lumalago. Palalakasin natin ang City Engineering sa pamamagitaan ng Equipment Acquisition. Itong 35 units ay hawak natin, itong 21 units ay nasa procurement process at ang total niyan ay 86 units. Next year, bibili pa tayo ng mga equipment na ito na nakalista rito na nakalista riyan,” paniniyak pa ni Mayor Bayron.
PAGPOKUS SA FOOD SECURITY
Sa kasalukuyan naman umano ay tinutulungan ng Department of Agriculture (DA) ang City Government para gawin ang agriculture Road Map ng lungsod ng Puerto Princesa. Ito umano ay agriculture planning upang maging self-sufficient ang siyudad sa pagkain, kasama ang farm-to-market roads.
Magtatayo rin umano ng Urban Forestry gaya ng Balayong Park para ng ganon ay may bagong mapapasyalan sa siyuadd habang magtutuloy-tuloy ang Pista Y ang Cagueban at ang Love Affair with Nature.
Inanunsiyo rin ni Bayron na mula sa P1000 na ibibigay na allowance sa mga senior citizen tuwing tatlong buwan ay magiging P1500 na simula 2020 habang nakatakda rin umanong ipantay dito ang ibinibigay naman sa mga PWD’s na mula sa dati P600 kada tatong buwan, sa ngayon ay P1,200 na.
PAGPAPAILAW SA MGA KALSADA
Mithiin din umano ng Pamahalaang Panlungsod na pailawan ang kahabaan mula Brgy. Irawan patungong Sta. Lourdes pababa sa Poblacion ng siyudad.
Magpapailaw din sa mga rural areas sa pamamagitan ng solar at LED sa mga barangay ng Luzviminda, Kamuning, Salvacion, Maoyon, Lucbuan at Cabayugan.
Maglalagay din ng mga solar lamps sa sampung IP Communities na lugar kasama na ang Brgy. New Pangangan at Brgy. Marufinas dahil sa kawalan ng kuryente.
Muli ring binanggit ng Alkalde ang ukol sa Coliseum Development na may kasamang parking area, model elementary school at business area sa likurang bahagi.
Sa huling bahagi ng kanyang mahaba-habang talumpati, muli niyang hiniling ang suporta at pagkakaisa ng mga mamamayan para sa isang magandang bukas ng susunod na mga salinlahi.
“Fellow Puerto Princesans, tonight, I ask for your support. Together, let us transform this City to be a battling Center for tourism, trade, business, and education,” panawagan pa ni Bayron. “Together, let us agree to bring this city to greater heights and achieve sustainable, inclusive and resilient growth. Together, let us pursue creative development projects and ideas.”
Discussion about this post