Aminado ang Bureau of Fire Protection na kulang sila sa bilang ng tauhan at mga kagamitan, lalo na ng firetrucks sa lungsod ng Puerto Princesa at sa lalawigan ng Palawan.
Ito ang inihayag ni BFP City Fire Marshall Chief Inspector Nilo Caabay sa kapihan na ginanap sa pangunguna ng Philippine Information Agency (PIA) noong Huwebes, Marso 7.
Ayon kay Caabay, sa buong probinsya ng Palawan ay mayroon lamang 227 personnel ang BFP at sa Puerto Princesa naman ay kulang sila ng halos 97 fire personnel.
“Ang ratio ng BFP personnel to community is one personnel to every 2,000. Sa firetruck naman one firetruck in every 28,000 community,” ani Caabay.
Sa ngayon ay mayroon lamang 32 fire personnel ang City BFP at apat pa dito ay sumasailalim pa sa training.
“Ang existing po natin ngayon 32 lang kami. Yung apat nag-a-undergo ng training so 28 lang naiwan. Sa 28 na yan hahatiin mo sa dalawa. Shift A duty ngayon, shift B bukas, yung 28 hatiin mo, ilan na lang sya 14, sa 14 na yan hinihingian pa tayo ng City Hall ng walo, yung ease of doing business kailangan collocated yung BFP. Yung walo na yan anim lang napapadala natin ang naiwan sampu na lang. Sa sampu na yan ang anim dyan inspector na kailangan umikot bilang bahagi ng fire prevention enforcement, yung anim na inspector hindi pwedeng sabay-sabay lumabas, tatlo sa umaga pagbalik ng tatlo yung tatlo na naman sa hapon kaya minsan yung naiiwan sa opisina tatlo o dalawa,” paliwanag ni Caabay.
Dagdag pa niya, inaalis din umano sa lahat ng mga fire personnel ang leave privilege tuwing buwan ng Marso gayun din ng Disyembre na tinuturing “high hazard.”
“Bawal mag-leave unless magkasakit talaga ano, ang dahilan nito para maging available ang mga personnel in case magkaroon ng fire emergency, matugunan kung ano yung pangangailangan ng community,” sabi ni Caabay.
Binigyang diin din ni Caabay ang problema ng kanilang ahensya patungkol sa kakulangan sa mga fire trucks.
“Sa City BFP mayroon po tayo ngayong walong firetruck pero ang operational natin pito. Pero baka before the end of this week lumabas na din yung isang tanker natin. Sa probinsya ng Palawan ay mayroon lamang 25 firetrucks ang pagmamay-ari ng BFP dagdag dito ang 11 na pagmamay-ari ng Local Government Unit (LGU) na ipinagkatiwala din naman sa tanggapan ng BFP,” dagdag pa nito.
Samantala, sa 23 munisipyo na mayroon ang Palawan, walo dito ang walang nakatalagang firetruck. Kabilang dito ang munisipyo ng Agutaya, Aracelli, Balabac, Cagayancillo, , El Nido, Magsaysay, San Vicente at Linapacan.
“Ang El Nido may firetruck pero hindi pa naka turn over sa BFP kaya kinokonsidera natin na wala pa, wala sa listahan natin. Sila-sila yung mga munisipyo na walang firetruck pero may personnel. Kasi sinisigurado naman po naming na laging may tao sa aming mga substations,” paliwanag niya.
Nilinaw naman ni Caabay na ang trabaho lamang ng fire personnel na nakatalaga sa bawat substation ay magsagawa ng fire prevention enforcement campaign sa komunidad gayundin ang pangongolekta ng buwis dahil ang kanilang ahensya ay income generated.
“Yung fire prevention officer, tao lang yan walang fire truck. Ang kanyang trabaho doon ay fire prevention enforcement campaign. Turuan kung papaano magiging ligtas yung kanilang ari-arian, ano-ano yung mga dapat nilang gawin para manatiling ligtas. Kung magkaroon man ng conflagration ang dream naming sana maminimize dahil sa knowledge and skills na naimpart ng BFP pero kung talagang hindi ang kasunod doon ay magiimbestiga nalang, wala tayong magagawa doon kasi ang BFP personnel natin hindi naman yan sila superman nagrerely tayo kung anong available na gamit sa atin, kumbaga hindi tayo pwedeng lumampas doon sa gamit na nandyan lang sa atin,” ani Caabay.
Panawagan din niya sa bawat munisipyo na kung may kakayanan ay bigyang pansin at laanan ng pondo na magkaroon ng sariling fire trucks ang kanilang munisipyo.
“Ang nakakalungkot kasi ano minsan bago natin narerealize na kailangan sya kapag nagkaroon ng make-up call, nagkaroon ng emergency na sunog saka lang nila narerealize na talagang kailangan na sa lugar nila. Sana wag na dumating sa ganoong punto bago marealize,” aniya.
Discussion about this post