Nakatakdang talakayin sa Sangguniang Panlungsod sa susunod na linggo ang usapin ukol sa bilang ng pasaherong pwedeng isakay sa traysikel ngayong nasa Modified ECQ (MECQ) ang Lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ang kinumpirma ng Chairman ng Committee on Transportation na si Kgd. Peter “Jimbo” Maristela sa Palawan Daily News team.
“Dadalhin ko [ang] usapin [na ito] sa session sa Monday. Pag-uusapan namin [itong] mabuti,” ani Maristela sa pamamagitan ng text message.
Aniya, “Kung ‘yon ang requirement sa MECQ, kailangan natin sumunod,” ngunit nakiusap ang konsehal na sana ay “Huwag masyadong maghigpit lalo na sa magkasama sa bahay, halimbawa, mag-asawa, magulang at anak.”
Matatandaang sa live press briefing kahapon ng Pamahalaang Panlungsod may kaugnayan sa pagtaas ng risk classification ng siyudad sa MECQ mula sa GCQ ay ipinaliwanag ng tagapagsalita ng Local IATF na si Norman Yap na bagamat pinahihintulutang bumiyahe ang public transport vehicles sa MECQ, base sa LTFRB Memorandum Circular 2020-061 ay pwede lamang magkatabi ang mga pasahero sa multicab kung mayroong plastic barrier habang sa traysikel ay isang pasahero lamang ang maximum passenger at bawal ang pagsakay sa likuran ng driver batay sa LTO Memorandum Circular No. 2020-2185.
“Yong protocols po ng public transport, di po ‘yan totally controlled ng City kasi susundin natin ang Department of Transportation protocols,” aniya.
LEGAL OPINION
Ayon pa sa City Legal Officer, batid niyang may kalituhan sa bilang ng pasahero na pwedeng isakay sa traysikel sapagkat may kasalukuyang ordinansa ang siyudad na nagpapahintulot sa mga traysikel na mag-pick up ng pasahero ng hanggang tatlo kaya nagbigay na rin siya ng opinyon.
“Kung hihingin ang opinyon ko riyan, at sasabihin ko na rin siguro rito kasi may katanungan po ro’n— ‘yong ordinance na ‘yon ay naipasa sa panahon na tayo ay nasa MGCQ. Tayo ngayon ay nasa MECQ, so, that ordinance may not necessarily apply,” pagbibigay-diin niya.
At sakali man umanong pwedeng mai-apply ang nasabing ordinansa ay may probisyon din sa Local Government Code, partikular sa Section 458 (a) (3) (vi) na nagsasabing bagamat may power to regulate ang Sanggunian pagdating sa operasyon ng traysikel ay subject pa rin sila sa DOTr Guidelines at iyon ay ang LTO-2020-2185 na nagsasabing isa lang ang maximum capacity sa panahon ng MECQ.
Discussion about this post