Pinagkalooban ng posthumous recognition ng bumubuo ng 17th Sangguniang Panlungsod ang yumaong Bayani “Nonoy” Manuel Lanzanas, na tinanggap naman ng pamilya nito.
Si Bayani Manuel Lanzanas, mas lalong kilala sa palayaw na “Nonoy” ng kanyang mga kaibigan at pamilya ay kilala bilang isang mahusay na mang-aawit, manunulat ng awit, kompositor, musicologist, Palawanologist, isang community organizer, at siyang nagtatag ng legendary cultural group na Sining ng mga Katutubo o SINIKA.
Matatandaan na ang taunang pagtatanim ng mga puno at pangkalikasang aktibidad na” Pista Y Ang Cagueban”, ng Puerto Princesa ay nagmula sa mapanlikhang isip ni Nonoy Llanzanas na kung saan ay nakapaghabi at bumuo pa siya ng awitin nito taong 1992.
Si Ginoong Nonoy Llanzanas ay nakapaghatid ng kakaiba at hindi mabuburang legasiya sa larangay ng musika na kung saan ay nakamit nito ang iba’t-ibang mga parangal na mahirap masundan o dili kaya ay mapantayan.
Isa sa mga nagbigay ng pangalan sa lungsod ng Puerto Princesa na inihatid ng yumao ay ang pagiging Finalist sa isinagawang 1999 MetroPop Song Festival, ang Asian Tourism Forum sa Brunei Darussalam at Singapore, ang kauna- unahang Ethnic Jazz Festival sa Pasay City, at ang 7th Drum Festival Celebration, Trade Center sa Melaka, Malaysia, at maraming iba pa.
Ang buong konseho ng Puerto Princesa ay nagpaabot ng lubos na pasasalamat at pagkilala sa mga nagawa ng yumaong Bayani Manuel Lanzanas, para sa kanyang hindi matatawarang naibahagi sa larangan culture, arts at civic society ng lungsod at lalawigan ng Palawan.
Discussion about this post