Naglabas ng bagong schedule ang Civil Aviation Authority of the Philippines Area IV – Puerto Princesa International Airport para sa biyahe ng mga eroplano sa lungsod at lalawigan.
Kasunod ito ng isinagawang pulong ngayong araw, June 18 nina Governor Jose Ch. Alvarez at PPIA Acting Manager, Engr. Florevic Sonota kasama ang mga kinatawan ng tatlong airline companies na nag-ooperate sa lalawigan.
Ayon kay Sammy Magbanua, ang chief of staff ni Gov. Alvarez, ito ay dahil sa marami paring mga Palaweño ang hindi pa nakakauwi matapos abutan ng lockdown sa labas ng probinsya mula nang ipatupad ang mga community quarantine dulot ng COVID-19.
Nais kasi anya ng gobernador na makauwi na ang mga ito upang makapiling na nila ang kanilang mga pamilya.
“Ang bagong schedule na po ay Monday to Thursday ang Cebu Pacific, Wednesday to Saturday ‘yung Philippine Airlines at Friday and Sunday naman po ang Air Asia. So, ‘yun na po ‘yung bagong schedule,” ani Magbanua sa isinagawang online media briefing.
“Yung Monday, Wednesday and Friday naman po will be for both residents of Puerto Princesa and residents of the different municipalities of Palawan. Whereas ‘yung Thursday, Saturday, Sunday po would be exclusively for our constituents in the different municipalities,” dagdag ni Magbanua.
Inaasahan naman na sa mga susunod na araw ay mailalabas na ang petsa kung kailan masisimulan ang bagong flight schedule sa Puerto Princesa International Airport na sa unang plano ay sa July 3 pa ng taong kasalukuyan pero muling umapela si Governor Alvarez sa CAAP at airline companies na kung maaari ay mas maaga pa.
Discussion about this post