Napapansin umano ng Commission on Elections dito sa Lungsod ng Puerto Princesa ang madalang na pagpunta ng mga tao sa kanilang tanggapan para magparehistro sa darating na 2022 National at Local elections. Posible umanong natatakot ang tao sa dami ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod o di kaya naman ay hindi pa nila alam na ibinalik na sa 100 na indibidwal kada araw ang tinatanggap ng kanilang tanggapan.
“Wala na ring restriction yung City [Government] natin kaya kung sino yung mga pupunta diyan, tinatanggap na namin. More or less sa maghapon 100 lang eh, hindi pa naman sumosobra kaya yun lang ina-accommodate. Actually, ngayon parang nasa 70 or 80 kami [na-accommodate].”
“Siyempre sa dami ng nagpa-positive nag-iingat din ang tao, natakot sila. Kaya lang akala ng mga tao hanggang sa 50% parin kami ng ina-accommodate a transaction per day…yung mga tao alanganin pa silang lumabas kaya siguro medyo mababa pa yung applicants natin.” Pahayag ni Puerto Princesa City Acting Election Officer Ferdinand Bermejo
Pagdating naman aniya sa online nila na nagpa-schedule ay punuan na ang buwan ng Marso habang ang sa susunod na buwan, Abril ay malapit na rin maubos ang slots.
“Pero yung online namin halos puno na yung April , yung March puno na tapos yung April halos puno na rin, online lang talaga ang marami talaga.”
“Kung ilan ang naka-appointment yun ang tatanggapin namin, halimbawa ngayong araw 28 so yun yung tatanggapin. Sila ang pipili ng araw at ng oras yun ang maganda sa appointment,”
Dahil dito hinihimok ng COMELEC na samantalahin ang panahon para magparehistro ang mga mamamayan at huwag pairalin ang ugaling na makikipagsiksikan sa huling araw ng pagpaparehistro.
“Nong 2019 registration, talagang last day doon dumadami pero yun nga dini-discourage na natin yun na iwasan na nila yung last day, last hour and yung last minute na attitude kasi talagang mapapasubo lang sila sa haba ng pila diyan.”
“Tingin ko, siguro pag mga last week na ng registration baka maghigpit din yung Incident Management Team natin. Dapat habang maaga pa talaga asikasuhin na nila para to avoid yung crowding. Yung mga big assembly ng mga tao dapat maiwasan,”
Ayon naman kay Mayline ng Barangay San Pedro, naka-schedule na umano siya sa online ng COMELEC para mabigyan ng pagkakataon na muling makaboto dito sa lungsod at mas pinili niya ito kaysa sa walk-in para maingatan na rin ang kanyang kalusugan.
“Kasi alam ko nasa krisis tayo dahil sa COVID-19 at kaunti lang ang nagpaparehistro ngayon kaya online ako , kasi kung walk-in baka masayang ang oras at effort kung kulang ang available, mas ok nga na mayroong online schedule sa pagrehistro para pupunta ka na lang doon, mas safe pa.”
Samantala sa talaan ng COMELEC ay mayroong 144, 867 total voters ang lungsod as of January 18, 2021.
Discussion about this post