Sa natanggap nilang reklamo kamakailan sa asignaturang Math, kung saan hindi nakasulat ang mga letrang pagpipilian, nananawagan ngayon ang Department of Education-Puerto Princesa na agad na ipaabot sa kanilang tanggapan kung may makita pang mali sa mga module ng kanilang anak.
“Paki-report po agad sa City DepEd ‘yong makita nilang mali,” ang tugon ng tagapagsalita ng DepEd-Puerto Princesa na si Gina Francisco nang ipaabot sa kanila ng Palawan Daily News ang concern.
Sa kasalukuyan naman umano, maliban sa reklamo ng isang ina ukol sa nasabing subject ay wala na silang ibang natanggap na reklamo mula sa mga magulang o guardian.
Matatandaang sa isang post sa social media ng inang si Jane Jauhali na kasalukuyang reporter ng isa sa mga radyo sa Lalawigan ng Palawan, ipinakita niyang walang “choices” na kasama sa isang katanungan sa Kwarter 1, Modyul 1 ng asignaturang Mathematics para sa mga mag-aaral sa Grade 2. May panuto naman itong “Bilugan ang titik ng tamang sagot.”
“Ako bilang isang single mom, meron akong work. Mahirap sa sitwasyon naming mag-ina kasi ‘yong time ko lang limitado sa modules. Ang hirap i-identify ng mga larawan, lalo na’t black and white, minsan hindi pa maklaro kong anong klaseng larawan. Hindi naangkop ang pagtuturo ng modules ngayon lalo na sa mga bata kasi para silang nag-e-exam ng [pang]-neuro,” komento pa ni Jauhali.
Aniya, kahit mayroong sagot sa likurang bahagi ng module ngunit dahil nais niyang matuto ang kanyang anak ay kailangan niyang basahin at unawain ang laman nito at ipaliwanag naman sa anak niyang nasa ikalawang baitang ngayon sa elementarya na aniya’y hindi biro.
“At sa nilalaman ng modules, ‘yong may katuturan naman [sana ang ilagay], ‘yong naangkop sa [mga] bata….At saka babaan din ‘yong page ng isang subject. Sa totoo lang, useless lang din kasi hindi rin matututo ang mga kabataan ngayon,” aniya.
Panawagan din niya sa City DepEd na kung maaari umano, sa halip na isang linggo ang pagsusumite ng modules ay gawin itong dalawang linggo upang mas mapaintindi pa sa mga kabataan ang nilalaman ng modules.
“Nine subjects meron kami in just five days. Ang hirap sagutan agad, tapos meron pang deadline,” hinaing pa niya.
Aniya, isang hamon para sa mga gaya nilang mag-isang itinataguyod ang kanilang pamilya na ngayong panahon ng pandemya ay sinabayan pa ng Modular Distance Learning. Ayon sa ina, hindi ganoon kadali na pagsabayin ang pagtatrabaho at pagtuturo sa anak kaya payo niya sa mga kapwa niya single parent na ilabas ang mga hinaing sa mga kinauukulan.
“Wag tayong matakot na maglabas ng ating mga concerns lalo na sa sitwasyon natin ngayon na dapat trabaho ng guro ay trabaho na natin, pero alang-alang sa future ng ating anak, ‘wag tayong magsawa na turuan ang ating mga anak kahit mahirap, go lang tayo!” dagdag pa ni Jauhali.
Sa panig naman ng Schools Divisions of Puerto Princesa, pinayuhan nila ang mga magulang na isulat ang kanilang mga suhestyon sa feedback form na nasa likod ng modules ng kanilang mga supling.
Discussion about this post