Makalipas ang isang termino, ngayong hapon ay nagpaalam na si City Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) Nelson Saavedra sa mga kasamahan niya sa Sangguniang Panlungsod.
Kasabay ng kanyang pormal na pamamaalam, ipinaabot din ni Ex-officio Member Saavedra ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga kapwa niya kagawad dahil umano sa tulong at pagsuporta sa loob ng tatlong taon niyang panunungkulan.
“Sa experience, talagang ‘yan ay hindi ko makalilimutan….Nagpapasalamat ako sa mga kasamahan kong Konsehal, talagang doon ako nakakuha ng lakas ng loob, nakakuha ng eksperiyensiya sa kanila na ang mga katutubo, hindi lang pang-bundok kundi pwede rin sa siyudad basta’t sa kabutihan lang,” masayang wika ni Saavedra sa panayam ng ilang lokal na mamamahayag, ilang minuto makalipas ang kanilang regular na sesyon ngayong araw.
Kaugnay nito, inaasahang sa Mayo 15 ay bababa na sa pwesto si Saavedra at papalitan ni G. Johnmart Salunday na mula naman sa tribo ng mga Tagbanua. Kung wala ang banta ng COVID-19, noon pa sanang Abril ang pagpapalit ng liderato ngunit pinalawig lamang ng NCIP ng isang buwan upang tapusin muna ang ECQ sa Palawan.
Si Salunday ay ang ikatlong uupong IPMR sa PuertoPrincesa City; bagamat, ang unang termino ng kinatawan ng mga IPs sa siyudad ay pinamunuan ng dalawang magkapatid matapos na yumao ang pinakaunang IPMR.
Ilang taon na rin ang nakalilipas simula nang aprubahan ng City Council ang pag-upo ng kinatawan ng mga indigenous people sa Konseho na batay sa “Gabay” ng mga IPs ng siyudad ay sa loob ng isang termino na binubuo ng tatlong taon.
Sa siyudad naman at maging sa Lalawigan ng Palawan, ang Batak ang pinakakunti sa bilang. Sa katunayan, makikita lamang sila sa limang barangay ng Puerto Princesa City gaya ng Tagabinet, Maoyon, Tanabag, Concepcion at Langogan.
Samantala, masaya namang ibinida ni Saavedra na sa limitadong panahon ay naisaayos niya, katuwang ang mga kasamahan sa Konseho, ang Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) ng kanilang tribu.
Discussion about this post