Nahaharap ngayon sa isyu at kontrobersiya ang ilang miyembro ng City Police Office sa pangunguna ni Police Colonel Marion Balonglong, ang city police director ng Puerto Princesa.
Ito ay matapos umanong padapain, tutukan ng baril, tadyakan at arestuhin ang ilang kawani ng DENR-CENRO kasama ang dalawang tanod ng Barangay Matahimik – Bucana kahapon ng umaga, June 10 na nag-iimbestiga sa mga napaulat na talamak ang pamumutol ng bakawan sa nasabing lugar.
Sa inisyal na impormasyon na nakalap ng Palawan Daily News, kabilang sa mga inaresto at nakaranas ng umano’y pangha-harass mula sa kamay ng mga pulis ang team leader ng DENR-CENRO na si Forester Roldan Alvarez at ilang tanod na nag-assist lamang sa grupo.
Kinumpirma naman ito ni Punong Barangay Ryan Abueme sa pakikipag-ugnayan ng Palawan Daily News.
“Nag-assist lang tayo sa request sa atin ng DENR-CENRO at City Anti-Squatting para mag-notify at mag-evaluate nung mga informal settlers sa Bucana. So, mga 9:30 A.M. ‘yun at pagdating ng mga 11 o’ clock, dumating ‘yung PNP headed by Col. Balonglong… Pagdating doon, pinadapa sila kasama ang mga taga-CENRO at dalawang tanod ko at hinahanap ‘yung yero at saka may nakawan daw doong nangyayari sa area ng landless,” ani Kap. Abueme sa panayam ng Palawan Daily.
Maging si Abueme ay walang ideya hanggang sa kasalukuyan kung bakit inaresto ang kanyang mga tanod at kasama nitong mga environment law enforcers. Sinubukan din umano nitong kausapin si Col. Balonglong subalit hindi siya nagkaroon ng pagkakataon. Ang malinaw lang anya sa ngayon ay may nasaktan, may inaresto at may nakaranas ng harassment mula sa mga kamay ng mga tagapagpatupad ng batas.
“Tinatanong ko kung anong grounds at anong charges pero wala namang masabi. Nung dumating sila Cayatoc [CENRO] kasi naka-posas e, ire-release nalang din daw kaya lang mga mga abuse na nangyari… may mga harassment,” paliwanag ng kapitan.
“Una, tinutukan sila ng mga baril, pinadapa sila at ‘yung dalawang taga-CENRO parang natadyakan yata ni Colonel [Balonglong]… May mga report na ganun base sa kwento ng mga tanod ko at taga-CENRO. Wala naman tama ang mga tanod at ang ano lang nila ay ‘yung tinutukan sila ng baril at pinadapa sila. Ang talagang nasaktan lang talaga yata ay ‘yung dalawang taga-CENRO at leader nila. Tinadyakan, parang nilagyan pa yata ng plastic sa ulo habang binibiyahe base sa kwento nila,” dagdag pa nito.
Nang tanungin si Abueme kung totoo ba ang mga impormasyon na may loteng pag-aari ang hepe ng pulisya sa lungsod sa Bucana, sinabi ng kapitan na wala rin siyang alam ukol sa bagay na ito. Umaasa na lamang anya ito na magbibigay ng kanyang paliwanag si Col. Balonglong upang mabigyan na linaw ang insidente.
“Hinihintay din natin ang paliwanag ni Colonel kasi kahapon [June 10] ,gusto ko sanang kausapin e hindi ko rin makausap. Ang inaano ko, bakit nangyari ‘yun at maipaliwanag pero hindi rin… Wala parin siyang [Col. Balonglong] statement. Nandun talaga siya, gusto ko nga kausapin pero hindi ko lang nakausap… siya talaga. Hindi ko rin masabi kasi ngayon lang din lumitaw ang pangalan ni Colonel doon. Meron kasing dalawang area… may Palawan Landless at mayroon ding dissolved area… ‘yung relocation ng Barangay Matahimik – Bucana,” paliwanag ni Kap. Abueme.
Sa hiwalay na panayam, iginiit ng City Anti-Squatting na lehitimo ang kanilang lakad sa Barangay Matahimik – Bucana kasama ang grupo ng DENR-CENRO.
Ayon kay City Anti-Squatting Program Manager Alex Hermoso, may dala silang demolition order mula sa Council Against Squatting Syndicate and Professional Squatters o CASSAPS.
“May demolition order na galing sa CASSAPS based sa request ng DENR… ni Sir Cayatoc. So, ito po ay request dahil medyo rampant ‘yung cutting at saka burning ng mangroves. So, minabuti po ito at nagdesisyon na ang CASSAPS at nagsimula po tayo ng demolition kahapon, June 10,” ani Hermoso sa panayam ng programang “Chris ng Bayan” sa Palawan Daily Online Radio.
“Lehitimo po ang operation dahil ang DENR ay nasasakupan po nila itong mangrove area at nakita ho nila na talagang pinagpuputul-putol na at may mga bahay na dito sa mangrove area… Pinagsusunog kaya ‘yun ang dahilan kaya nagbaba ng order ang CASSAPS,” dagdag nito.
Nakarating din anya sa kanya ang report na may mga hinuli at nasaktang miyembro ng DENR law enforcers at tanod ng barangay. Bagama’t hindi anya nito personal na nakita dahil siya ay nasa kabilang area nang mangyari ang insidente, ito anya ang report sa kanya ng kanyang mga tauhan at ilang residente sa lugar.
Sinabi pa ni Hermoso na nakakalungkot lang dahil base sa mga impormasyong nakarating sa kanya, ang mismong pinuno pa ng kapulisan sa lungsod ang itinuturong nanakit at nanutok ng baril sa kapwa nito law enforcers.
“Totoo po ‘yun at ang nakasama po doon ay ‘yung DENR at ilang mga tanod ng Barangay Matahimik. Hindi ko po alam kung bakit sila hinuli at ano baa ng dahilan. Pinadapa daw sila base sa report sa akin at sabi ng mga taong naka-saksi ay talagang ganun po ang ginawa ng ating kapulisan. Ang nakakalungkot lamang po, ito po ay pinangungunahan ng ating PNP Director na siya mismo ang nagpadapa… siya mismo ang nag-tadyak base doon sa sabi ng driver ng Task Force Bakawan,” lahad ng opisyal.
Sa panig naman ng DENR, tumanggi na munang magbigay ng pahayag o komento kaugnay sa insidente si DENR Regional Executive Director Henry Adornado.
Pero ayon sa opisyal sa pamamagitan ng text message, mayroon na silang official statement na ang kanilang central office ang maglalabas.
“Meron na po kami official statement, but it will be released by the central office. Hintayin na lang po natin ang ilalabas ni Secretary,” bahagi ng mensaheng ipinadala ni Director Adornado sa Palawan Daily News.
Sa ngayon, hindi na muna anya sila magsasalita o maglalabas ng iba pang impormasyon kaugnay sa insidente kahapon [June 10] sa Barangay Matahimik – Bucana.
“Hindi na po muna kami magsasalita as of now. Anyway, sa amin din po galing ang information na ilalabas ng central office. Sana ay maintindihan po ito ng lahat,” dagdag ng opisyal.
Samantala, patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Palawan Daily News kay Police Colonel Marion Balonglong subalit hindi nito sinasagot ang kanyang telepono at hindi rin nakaharap ng news team nang puntahan sa kanyang tanggapan para makuha ang kanyang panig.
Pero kagabi [June 10], una nang natanong ng Palawan Daily News ang opisyal kaugnay sa pangyayari bago pa man lumutang ang kanyang pangalan. Layunin sana nitong makakuha ng inisyal na detalye at impormasyon kaugnay sa paghuli at pagkulong di umano sa ilang kawani ng DENR at barangay tanod subalit tanging “wala po” ang sagot ni Balonglong sa pamamagitan ng text message.
Discussion about this post